Amadeo, Cavite. Binaril ang isang guro sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Salaban, bayang ito, bandang 12:00 ng tanghali kahapon.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa ospital ay kinilalang si Normita San Juan, 58 anyos at class adviser sa Tagaytay National High School.
Ayon sa paunang pagsisiyasat na sinagawa ni Officer in Case Staff Sgt. Arvin Balbuena sa ilalim ng direktang superbisyon ni Amadeo Police Chief Captain Cesar Lontoc, nilapitan ng suspek si San Juan at binaril ng malapitan sa ulo.
Kinilala ni Lontoc ang gunman na si Siserena Karnasinghe, 59 anyos na Sri Lankan.
Kasama ni Karnasinghe na dinakip ang apat pang suspek na kinilalang sina Celestina de Luna Romerosa, 51, dating guro at siyang itinuturong mastermind ng krimen; Antonio Romerosa, 53 anyos na asawa ni Celestina; Benedict Cabasi, 43 anyos na pinsan ni De Luna at Mark Romerosa, 21 anyos na anak ni Celestia at Antonio.
Ayon sa mga report ni Lontoc, nag ugat ang krimen sa matinding pag aaway na nauwi sa pagpapalayas sa tinitirahang apartment ng mga suspek noong malaman ng biktima na naipagbili ng mga ito ang kanyang apartment gamit ang pekeng titulo.
Ang mga suspek ay nahuli ng mga miyembro ng Amadeo Police Station sa Barangay Lalaan 2, Silang Cavite. Sila ay Kinilala ng mga nakasaksi na kasangkot sa naganap krimen.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.