Gwardiya pinagbabaril ng pinsan, patay

0
192

PADRE GARCIA, Batangas. Isang 32-anyos na security guard ang nasawi matapos pagbabarilin ng kanyang pinsan na isang ahente ng Small Town Lottery (STL) sa bayang ito sa Batangas, noong Miyerkules ng hapon.

Ang biktimang security guard ay kinilalang si Berinie Dimaculangan, naninirahan sa Brgy. Banay-banay, Padre Garcia, Batangas.

Ang suspek na agad na nahuli ay natukoy na si Victorino Dimaculangan, 42 anyos, isang STL agent at residente rin ng nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat, nagsimula ang alitan ng dalawa nang tanungin ni Berinie si Victorino kung may relasyon ito sa kanilang pinsan. Nagkaroon sila ng sagutan at nagkagulo ng bandang alas-5:00 ng hapon.

Pagkatapos ng mainit na pagtatalo, umuwi si Victorino at kumuha ng baril na ginamit sa pagpatay kay Berinie.

Dinala ang biktima sa Dr. R Rosales Memorial Medical Hospital ngunit idineklara na siyang patay pagdating.

Naaresto naman si Victorino sa isinagawang hot pursuit operations kung saan nakumpiska ang isang baril na kalibre 45 at mga bala.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.