MAYNILA. Magpapatuloy ang pag-iral ng Southwest Monsoon o Habagat sa bansa ngayong Lunes, na magdadala ng pag-ulan sa araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa PAGASA.
Sa ulat na inilabas alas-5 ng umaga, sinabi ng PAGASA na makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang mga rehiyon ng Ilocos, Abra, Benguet, Zambales, at Bataan. Inaasahang magdudulot ito ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha o pagguho ng lupa.
Tinatayang 50 hanggang 100 milimetro ng ulan ang maaaring bumagsak sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, at Bataan.
Samantala, inaasahan namang maulap ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, at iba pang bahagi ng Central Luzon. Posible ring magdulot ng flash floods o landslide ang mga pag-ulang ito.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong ulan o thunderstorm. Maaaring magkaroon ng flash flood o landslide sa oras ng matitinding thunderstorm.
Maalon ang mga baybaying-dagat sa Extreme Northern Luzon, habang katamtaman hanggang maalon naman sa kanlurang bahagi ng Luzon. Bahagya hanggang katamtaman ang pag-alon sa natitirang bahagi ng bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





