Handa ang PH na labanan ang variant ng ‘Deltacron’

0
493

Naging aktibo ang social media nitong mga huling araw tungkol sa mga balita na sinabi ng mga scientist sa Cyprus na nakakita sila ng bagong hybrid na variant ng SARS-CoV-2. Pinangalanan itong Deltacron, kumbinasyon ng mga variant ng Delta at Omicron.

Gayunpaman, ang ibang mga eksperto ay nagtanong kung ito ba ay tunay na isang bagong variant, at nagmumungkahi maaaring resulta ito ng kontaminasyon sa mga testing sa laboratoryo.

Samantala, nagbabala ang World Health Organization (WHO) noong Miyerkules na ang recombinant virus ng mga variant ng Delta-Omicron ay maaaring kumalat matapos itong matukoy sa ilang lugar sa France.

Ang mga viral genome na may katulad na profile ay naiulat din na natukoy sa Denmark at Netherlands.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Adviser on Covid-19 Response, Secretary Vince Dizon na laging handa ang Pilipinas sa paglitaw ng anumang variant ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Hindi pa dominant variant of concern sa Pilipinas ang deltacron ngunit handa ang bansa, ayon kay Dizon kahapon.

“We’ll be ready for anything. But I think what the experts have also said is the so-called Deltacron is not new. It’s actually been there. I think the first cases were detected around December last year,” ayon sa kanya sa isang media interview sa Baguio City.

Sinabi ng WHO infectious disease epidemiologist na si Maria Van Kerkhove sa isang press conference kamakailan na walang mga pagbabagong naobserbahan sa kalubhaan at transmissibility nito ngunit maraming pag-aaral ang isinasagawa.

Pagkatapos ng mga nakaraang karanasan sa mga variant, kabilang ang napakabilis na naililipat na Delta at Omicron, tiwala si Dizon na mapamamahalaan ng bansa ang epekto ng Deltacron.

“Nakita naman natin, ilan na bang variant ang pumasok sa atin? Nasa lima na? So kahit papaano naman nakaraos tayo (We’ve seen that, with how many variants we had in the country, five? So we survived it somehow) We will be ready for it if it comes,” ayon sa kanya.

Inulit ni Dizon ang bisa ng mga bakuna laban sa anumang variant ng coronavirus, na dapat samahan ng patuloy na pagsunod sa minimum public health standards.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.