STA. CRUZ, Laguna — Sa kanyang ulat sa unang 100 araw sa panunungkulan, inilahad ni Governor Sol Aragones ang mga pangunahing programa at repormang naisulong sa ilalim ng temang “Healthy Laguna.” Naging emosyonal ang gobernadora nang ibahagi niya ang personal na karanasang pinagdaanan sa kalusugan, matapos matagpuan ang bukol sa ilalim ng kanyang dibdib. “Ito ang sagot sa aking panalangin,” aniya, matapos matagumpay na sumailalim sa operasyon.
Muling ipinakita ni Gob. Sol ang malasakit sa kapwa nang, isang araw matapos ang operasyon, ay agad tumugon sa mga nasalanta ng bagyo. “Naalala ko, paano naman ang mga walang kakayahang magpaopera? Kaya ito ang misyon ko, palakasin ang mga ospital sa buong Laguna,” pahayag niya.
Sa ilalim ng programang Healthy Laguna, ipinatupad ang pagpapabuti ng mga ospital: pagtatayo ng mga bagong comfort rooms, pagdaragdag ng 20 dialysis machines, at pagpapalawak ng libreng gamot para sa mga pasyente. Ipinagbawal na rin ang anumang bayad para sa swero, anti-rabies shots, at flu vaccines. Kasabay nito, inilunsad ang “Akay ni Gob Botika”, kung saan libu-libong pasyente ang makatatanggap ng libreng maintenance medicines, at inaasahang mas mapapalawak sa pamamagitan ng “Gob Sol App.”
Sa larangan ng edukasyon, tinulungan na ng pamahalaang panlalawigan ang 5,000 scholars, na target mapalawak sa 20,000 sa susunod na taon, bawat isa ay tatanggap ng ₱14,000 tulong-pinansyal. Sa agrikultura, nakipagtulungan si Gob. Sol sa Department of Agriculture para sa modernisasyon ng mga sakahan at pagpapatayo ng Rice Processing Centers sa Bay, habang ang mga mangingisda naman ay patuloy na tinutulungan sa kabuhayan.
Sa turismo at kapayapaan, ilulunsad ngayong Nobyembre ang Pilgrimage Tourism Program at Festival of Falls upang pasiglahin ang lokal na turismo. Nagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng mga mobile patrol units para sa Laguna PNP. Sa Laguna University, binuo ang Task Force LU upang tugunan ang mga isyung pang-imprastruktura at itinatag din ang Task Force Baha katuwang si Ramon Ang at mga LGU upang solusyunan ang problema sa pagbaha.
Sa pagtatapos ng kanyang ulat, nagpasalamat si Gobernador Sol sa mga katuwang sa pamahalaan at mga mamamayan ng Laguna. “Hindi pa tapos ang ating programa,” aniya. “Sisiguraduhin kong ang bawat buwis ng mamamayan ay may balik na serbisyo. At sa mga bumabatikos, mapapagod lang kayo. Paglilingkuran ko kayo saan mang sulok ng mundo.”

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





