MAYNILA. Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na malapit nang mahuli si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy matapos matagpuan ang kanyang ‘heartbeat’ sa isang underground bunker sa loob ng KOJC Compound gamit ang kanilang ground-penetrating radar.
Ayon kay PNP Region XI spokesperson Catherine Dela Rey, matagumpay na na-detect ang heartbeat ni Quiboloy nang gamitin ng PNP ang kanilang life detection device sa underground bunker na nasa compound. “As of now, what we’re really looking for is the entrance to the bunker because the life detection device we used has positively detected heartbeats underground,” pahayag ni Dela Rey.
Idinagdag pa niya na maraming heartbeats ang na-detect sa bunker, na nagpapahiwatig na maaaring nagtatago si Quiboloy kasama ang ilan pang tao sa ilalim ng lupa.
Ang ground-penetrating radar na ginamit ng PNP ay kayang lumikha ng mga imahe gamit ang radar pulses at makapagtukoy ng mga heartbeats, kilos, at heat signature. Ito ang nagsilbing gabay ng mga awtoridad upang mahanap ang posibleng kinaroroonan ni Quiboloy.
Samantala, tatlong protesters ang inaresto matapos silang mangharang at manakit ng mga pulis sa gitna ng tensiyonadong sitwasyon. Pitong pulis ang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos silang kuyugin ng mga miyembro ng KOJC sa isang prayer at lightning rally na isinagawa kamakalawa ng gabi sa harap ng KOJC Compound.
Ang protesta na nagsimula bilang isang prayer rally ay nauwi sa kaguluhan nang nagsunog ng gulong ng sasakyan ang mga miyembro ng KOJC at humarang sa kalsada, dahilan upang kumilos ang mga pulis at awatin ang grupo. Sa gitna ng kaguluhan, tatlo sa mga protesters ang dinakip at ngayon ay nahaharap sa mga kasong obstruction of justice at direct assault.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.