SARIAYA, Quezon. Isang helper mechanic na kasalukuyang sangkot sa kaso ng iligal na droga ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga miyembro ng motorcycle riding-in-tandem. Nasugatan naman ang kasamang mekaniko biktima sa pamamaril na naganap sa Immaculate Concepcion Village, Brgy. Concepcion 1, dito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PMajor Romar Pacis, hepe ng Sariaya Municipal Police Station, ang napatay na biktima na si Mark Joseph Marco Caraig, 33 taong gulang na residente ng Brgy. Lucutan na mayroong standing warrant of arrest sa kasong paglabag sa RA 9165.
Samantala, ginagamot sa United Candelaria District Hospital ang nadamay na mekaniko na si Bryan Jay Albitos y Layug, 37 taong gulang ng Brgy. Concepcion 1.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-10:20 ng gabi habang nag-o-overtime sa pagkukumpuni ng isang sasakyan sa loob ng talyer ang mga biktima, bigla na lang dumating ang isang motorsiklo ng Rusi sakay ang dalawang lalaking hindi pa nakilala at parehong naka-jacket at helmet.
Agad na bumunot ang nakaangkas sa motorsiklo ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril mula sa beywang at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Pagkatapos ng krimen, mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Maharlika highway.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, nakuha nila ang sling bag ng nasawing biktima na naglalaman ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na .15 gramo at mga kagamitan sa droga.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaslang sa biktima at ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.