Hinarang ng BJMP ang mga damit at gadgets ni Bong Revilla

0
225

Quezon City — Ipinahayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi pinayagan ang pagpasok sa Quezon City Jail-Male Dormitory ng mga gadgets at damit ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

“Lahat damit na hindi authorize, lahat ng hindi dilaw pinauwi natin sa kanyang abugado. Gadgets pinauwi rin natin,” ani Jail Superintendent Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng BJMP, sa ulat ng “24 Oras” ni Mariz Umali nitong Miyerkules.

Dagdag pa niya, “BJMP personnel are professional. We have zero tolerance for VIP treatment.”

Ito ay kasunod ng paglabas ng warrant of arrest at hold departure order ng Sandiganbayan Third Division noong Lunes laban kay Revilla at anim pang indibidwal kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sumuko si Revilla sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame noong Lunes ng gabi, at na-transfer sa QC Jail noong Martes.

Noong Miyerkules, binisita siya ng kanyang mga anak at kapatid sa kanyang selda, ngunit tumangging magbigay ng pahayag.

Ayon sa BJMP, ang visiting hours para sa persons deprived of liberty (PDLs) ay mula 1 p.m. hanggang 5 p.m. tuwing Martes hanggang Biyernes, at mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. tuwing Sabado at Linggo.

Si Revilla at ang kanyang mga co-accused, kabilang ang dating DPWH Bulacan engineers na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at finance section chief Juanito Mendoza, ay inilagay sa magkakahiwalay na selda habang isinasailalim sa mandatory seven-day quarantine.

Ang dalawang iba pang akusado, sina engineers Emelita Juat at Christina Pineda, ay ililipat sa Quezon City Jail Female Dormitory sa Camp Caringal matapos maipadala ng PNP ang return of warrant.

Pagkatapos ng seven-day quarantine, makakasama na ni Revilla at ng apat pang co-accused ang ibang PDLs sa kanilang selda.

Sa kabila ng pagkakakulong, nabigyan si Revilla ng gulay sa hapunan at manok sa tanghalian. Ayon sa BJMP, hihilingin din sa mga jail guards na magsuot ng body cameras upang maitala ang kanilang pang-araw-araw na interaksyon sa mga PDLs.

Bagama’t nakapag-post si Revilla ng bail sa kanyang graft case, nananatili siyang nakakulong para sa malversation charges.

Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na kapwa taga-Cavite kay Revilla, na, “The law is the law, there’s no special favor here. I have to do my job.”

Dagdag ni Remulla, siya rin ang kasama ni Revilla nang ilipat ito sa QC Jail bilang kanyang “last act of friendship” sa dating senador.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.