Binakbakan mismo ng Unang Ginang ang Pangalawang Pangulo na kasalukuyang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon dahil sa pagdalo niya sa mga “anti-Marcos” na pagtitipon. Pangisi-ngisi pa nga raw ang VP/DepEd Secretary habang napakikinggan niyang sinasabihang “bangag” ang Pangulo bukod pa sa kung ano-anong masasakit na salita laban dito.
Lumutang naman ang pangalang Leni. Take note: Si First Lady mismo ang nagpalutang sa pangalan ng Angat Buhay Chair sa usapin ng kung ano ang tama at mali sa pagtrato sa asawang pinuno ng bansa. Lumalabas na sa tingin ni FL Liza, talagang maayos at matino si Leni samantalang kabaligtaran naman si VP Sara. Lumalabas na kung si FL Liza ang tatanungin, hinding hindi pwedeng makita sa anti-Marcos rally si VP Sara.
May punto.
Nasa gabinete ni BBM si Sara. Ang atas ng pamumuno sa binabadyetan ng pinakamalaking pondo sa lahat ng kagawaran ang siyang hawak niya. Ito ang kagawarang inaasahang magpapasidhi ng pagkamamamayan ng mga Pilipino dahil mandato nito ang turuan ang mga batang mag-aaral ng mabuting asal at magpamalas ng kaalaman at karunungan sa pangangalaga at pamamatnubay ng kaguruan. Ang mga guro’y ipinagpapalagay na matapat, matiisin (public ba naman), mapagmahal sa mga bata, at itinuturing pa ngang “persons in authority.”
Hindi nadadaan ang mga guro at mag-aaral sa salita, bagamat plus factor ang public speaking. Pero maeengganyo sila kung ang mga tagapanguna ng kagawaran ay ehemplo ng integridad at pakikiisa. Idagdag pa natin ang ganitong pagpapahalaga: matalas ang isip sa pagsusulong ng edukasyon, hindi ng eleksyon. Kung hindi, madali lang namang matutuklasang ang salita’y hindi nilalapatan ng gawa. Pananalita ang edukasyon, pero puro lamang ilusyon.
Give the DepEd Secretary the benefit of the doubt? Ala eh, katagalan naman. Matagal na ngang nabitawan ng Pangulo ang pagiging kalihim ng Department of Agriculture (DA). Iyo’y maituturing ni VP Sara na ehemplo para once and for all, maipasa na sa mas karapat-dapat, mas epektibo, mas may pagtutok na kalihim ng DepEd. Tapos, sama-sama tayo – hindi kakamot ng ulo – kundi magpapasalamat sa lahat ng kanyang naisip, nasabi, nagawa bilang DepEd Secretary. Siyempre, hindi kabilang doon ang muntikang makalusot na confidential funds (kapwa ng DepEd at Tanggapan ng Pangalawang Pangulo).
Kausap ko ang mga retiradong guro, isa sa kanila’y aking butihing tagapayo noong nasa pag-aaral ako ng Ekonomiks. “Simply put, she’s not qualified to lead DepEd,” aniya.
“Ouch” po ba? Mas masakit kung mananatili si VP Sara sa DepEd.
Anuman ang pagkukubli ng Malacañang – sinasabing maayos pa rin ang relasyon ng dalawang matataas na opisyal sa Ehekutibo – maigi pa ang bumitaw sa pwesto. Option ang paghingi ng paumanhin sa pagkukulang pero kung hindi kaya, sapat na ang pagbibigay-daan sa susunod na lider ng edukasyon.
Noong nakaraang Disyembre, natalakay na natin ang urgency ng usaping ito. Sa mga nais itong balikan, heto: https://tutubi.ph/a-genuine-wake-up-call-over-kulelat-pisa-ranking/.
Bahagi ng nakaraang pitak: “Kaya’t kung pangungulelat sa edukasyon ang tututukan, tutugunan, popondohan, pwede pa rin ba tayong makipag-usap sa lagpas isang taon nang nakaupong DepEd secretary sa ganoong isyu pa rin? Sobra na rin, tama na rin. Palitan na rin. Urgent ang posisyon. Si VP/Sec. Sara, maraming nagsasabi, ay busy na sa maraming bagay at kasama na raw diyan sa pagharap sa kaliwa’t kanang kontrobersya ng mga Duterte. Ibig sabihin, makatutulong pa nga sa kanya at sa OVP ang bitawan niya ang DepEd. Panatag ang loob mo, loob ko, marahil mga nasa loob ng silid-aralan din, na merong isang daang porsyentong pagtutok sa tungkulin ang magiging bagong kalihim ng edukasyon.”
Bawi tayo? Kailan pa? Makababawi rin ba ang Malacañang sa maling paghirang sa liderato ng edukasyon? O magkukusa na lang ang kinauukulan? Abangan o konting abang na lang?
DC Alviar
Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.