Hinikayat ni Marcos ang Kongreso na unahin ang Anti-Dynasty bill at iba pang transparency measures

0
252

MAYNILA — Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na gawing pangunahing prayoridad ang pagtalakay at pagpasa sa apat na panukalang batas na nagtataguyod ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kabilang sa mga tinukoy na panukalang batas ang Anti-Dynasty bill, Independent People’s Commission Act, Partylist System Reform Act, at Citizens Access and Disclosure Expenditures for National Accountability o CADENA Act.

Sa pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC sa Malacañang, binigyang diin ng Pangulo na mahalagang unahin ng mga mambabatas ang masusing pagtalakay sa mga panukalang batas na ito at tiyaking maipapasa ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Ibinahagi pa ni Castro na nagkaroon din ng kasunduan sa pulong hinggil sa timeline para sa pagpasa ng General Appropriations Bill at pagsusumite ng enrolled bills, upang agad itong malagdaan ng Pangulo at maging ganap na batas.

Dumalo sa LEDAC meeting sina Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Faustino Dy III, Majority Leader Sandro Marcos, at iba pang opisyal ng Kongreso.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.