Hiniling ni Duterte sa ICC na i-disqualify ang 3 abogado ng mga biktima ng war on drugs

0
174

THE HAGUE, Netherlands — Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na utusan ang ICC Registry na bawiin ang pagtatalaga sa tatlong common legal representatives ng mga biktima ng kanyang war on drugs.

Ayon sa 11-pahinang dokumento na may petsang Pebrero 11, hiniling rin ng depensa na ipasuspinde ang access ng mga abogado na sina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Nicolene Arcaina sa case record habang naghihintay ng desisyon ang Pre-Trial Chamber.

Iginiit ng depensa na dapat silang i-disqualify dahil sa impediment to representation at posibleng conflict of interest. Ayon sa kanila, si Butuyan at Andres ay may propesyonal na ugnayan kay Arcaina dahil sa kanilang pagtatrabaho sa CenterLaw Philippines. Dahil dito, dapat ay alam nila ang isang sitwasyon na kinasasangkutan ng abogado, na naka-redact sa dokumento.

“To compound matters, the Prosecution has since confirmed that both Joel Butuyan and Gilbert Andres had been given access to [REDACTED] prior to 30 January 2026, when Counsel wrote his email to them,” ayon sa pleadings.

“As such, both Joel Butuyan and Gilbert Andres should have known that Nicolene Arcaina was [REDACTED] at the same time that they were processing her appointment to their team,” dagdag pa ng depensa.

Ipinahayag din ng depensa na magkakaroon ng conflict of interest kaugnay ng papel ni Arcaina bilang victim’s case manager at iba pang hindi ibinunyag na tungkulin na kanilang tinukoy bilang “structurally incompatible.”

“Whereas the Prosecution is a minister of justice tasked with a truth-seeking function and disclosure duties, victims’ counsel are partisan representatives owing duties only to their clients and are not subject to comparable disclosure obligations,” ayon pa rin sa plea.

Wala pang pahayag mula sa mga nasabing abogado. Ayon sa GMA News Online, ilalathala ang kanilang komento kapag ito ay natanggap na.

Noong nakaraan, tinutulan ng legal team ni Duterte ang pagtatalaga nina Butuyan at Andres bilang kinatawan ng mga biktima ng war on drugs noong panahon ng kanyang termino bilang Pangulo at Mayor ng Davao City. Inabisuhan na rin ng ICC Registry ang Pre-Trial Chamber I tungkol sa pagtatalaga ng mga legal representatives.

Nakasaad sa iskedyul ng Chamber na magsisimula ang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.

Inakusahan ng ICC Prosecutor si Duterte sa 49 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay sa pagpapatupad ng kanyang anti-narcotics campaign, “kahit na mas malawak ang aktwal na bilang ng mga biktima sa nasabing panahon.”

Ayon sa tala ng pamahalaan, humigit-kumulang 6,200 drug suspects ang napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Gayunpaman, ayon sa mga human rights organization, maaaring umabot sa 30,000 ang bilang dahil sa mga hindi naiulat na kaugnay na pagpatay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.