Hit and run driver na nagtangkang tumakas huli sa Lipa City

0
582

Lipa City, Batangas. Huli ang driver ng isang Montero Sports matapos tangkaing takasan ang kanyang nabanggang mga biktima sa kahabaan ng J.P. Laurel Highway Brgy Marawoy, Lipa City Batangas kahapon. 

Kinilala ni Provincial Director Batangas Provincial Police Office PCOL Glicerio C. Cansilo ang suspek na si Patrick Kyle Castillo y Macasaet, 24 anyos na residente ng Brgy. Bagong Pook sa nabanggit na bayan. 

Kinilala rin ang mga biktima na sina Limuel Quimbao, 29 anyos na construction worker at residente ng Brgy. Camba Arayat Pampanga at isang menor de edad na 17 anyos na construction worker na residente ng Plazang Luma Arayat Pampangga.

Ayon sa report ng Lipa City Police Station, bumabagtas ang Mitsubishi Montero Sport ang kahabaan ng JP Laurel Highway sa Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas patungo sa Lipa City proper habang ang mga biktima ay naglalakad sa gilid ng kalsada at aksidenteng nabangga ang mga ito.

Isang concern citizen ang nakasaksi sa insidente at humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis. Nagtangkang tumakas ang driver ng Montero Sport ngunit hinabol siya at nahuli agad ng mga pulis. 

Dinala sa Lipa City District Hospital ang mga biktima dahil sa tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ang menor de edad na biktima ay idineklarang dead on arrival  ni Dr. Julius Henry Fortuno, attending Physician ng ospital samantalang si Quiambao ay nakauwi na sa kanyang tahanan.

Batay sa resulta ng pagsusuri na ginawa ng mga doktor, nasa impluwensya ng alak ang suspek ng mangyari ang aksidente.

Ang suspek ay nakalaya din kahapon dahil sa isang compromise agreement na kung saan ay nagbigay ang suspek ng Php 150, 000.00 sa pamilya ng namatay at Php 51,000.00 sa isa pang biktima ngunit magpapatuloy pa ang kanilang pag uusap pagkatapos ng libing.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.