Hitman na P20k ang bayad sa pagtumba, nadakip sa Cavite

0
731

Alfonso, Cavite. Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang pinaniniwalaang miyembro ng isang gun-for-hire group na nasa likod ng pagpatay sa isang lalaki sa bayang ito sa halagang P20,000.

Ang itinumbang biktima ay kinilala ni Police Major Rommel Dimaala, hepe ng Alfonso Municipal Police Station na si Manuel Mojica Barrera, 57-anyos, noong Hulyo 10 sa loob ng kanyang bahay.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima. 

Tumakas noon ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo. Natunton ang kanilang sasakyan sa Naic na nagresulta sa pagka aresto sa mga suspek na kinilalang sina Eric Tanega at Edwin Montaño.

Nakuha sa kanilang isang .357 magnum na baril at isang kalibre .9mm, na tugma sa basyo ng mga bala na nakita sa pinangyarihan ng krimen, ayon sa pulisya.

“May ibibigay sa kanilang envelope, napapaloob dun yung description ng tao, ‘yung address, at yung pera. Pag-aaralan nila kung ilang araw na meron silang spotter na magke-casing ng lugar. Iba yung driver ng motor, iba yung gunman. Binayaran po sila ng halagang P20,000,” ayon kay  Dimaala.

Positibong kinilala ng asawa ng biktima ang mga suspek. Ayon sa kanya, tinangka pa ng kanyang mister na magtago sa kusina pero sinundan pa ito saka pinagbabaril.

Ayon pa rin sa mga awtoridad, away sa lupa ang ugat ng krimen, at kasangkot ang isang kaanak ng mga biktima na kasalukuyan pang pinaghahanap.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.