Hitman ng private armed group sa Laguna, arestado

0
241

STA. MARIA, Laguna. Nahuli sa isang operasyon ng Laguna Police Intelligence Unit ang isang hitman na miyembro ng private armed group sa kaso ng mga baril na walang lisensiya.

Kinilala ni Police Col. Harold Depositar, direktor ng Laguna Provincial Police Office ang suspek nasi Roberto Banaag, 42 anyos, at naninirahan sa Brgy. Macasipac, Sta. Maria, Laguna.

Ang suspek ay dinakip sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Agripino Bravo ng RTC – Lucena City.

Ayon kay Depositar, si Banaag ay isa sa mga hitman na aktibo sa Laguna, at batay sa kanilang intelligence report, posibleng magamit siya ng ilang grupo sa darating na Barangay at SK election.

Sa pag-aresto sa suspek, nakumpiska ang isang caliber .45 pistol, dalawang steel magazine, at mga bala.

Kasabay ng pag-aresto kay Banaag, inaresto rin ng mga awtoridad ang kanyang asawa na si Evangeline matapos tangkain nitong itago si Banaag sa loob ng kanilang tahanan.

Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang baril at bala ay dinala sa Criminal Investigation and Detection Group – Laguna Provincial Field Unit para sa tamang proseso.

Nakatakdang humarap si Banaag batay sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.