MAYNILA. Lumalabas sa datos ng Department of Health (DOH) na ang mga Pilipino na nasa edad 25 hanggang 34 ang nangunguna sa mga tinatamaan ng HIV o Human Immunodeficiency Virus sa bansa. Ayon kay DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, ito ay malaking pagbabago kumpara noong 2002 hanggang 2005 kung saan mas maraming kaso ng HIV ang nasa edad 35 hanggang 49.
Sa nakalipas na dekada, higit sa doble na ang naitalang kaso ng HIV. Noong 2014, 21 kaso kada araw ang naiulat ngunit umakyat ito sa 48 kaso kada araw noong 2024 at lalo pang tumaas sa 56 kada araw mula Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Domingo, pangunahing dahilan ng pagkalat ng HIV ang sexual contact, partikular na ang mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki na siyang pangunahing sanhi ng transmission simula pa noong 2007.
Batay sa mga edad na apektado, ang mga nasa pagitan ng 25 hanggang 34 ay kinikilala bilang bahagi ng millennial generation, na kasalukuyang 25 hanggang 44 taong gulang. Ang mga millennials ay malaki ang parte sa labor force at aktibo sa social media, na maaaring magbigay-daan sa mas mabilis na pagkalat ng impormasyon ukol sa HIV prevention ngunit, sa kabilang banda, ay mas exposed din sa mga high-risk na gawi.
Ayon sa mga eksperto, ang pagtaas ng kaso ng HIV sa millennials ay may kinalaman sa mas liberal na pananaw sa sex, mas mataas na antas ng urbanisasyon at paglabas sa tradisyonal na mga balangkas ng ugnayan. Ipinapayo ng DOH ang mas pinaigting na edukasyon ukol sa ligtas na pakikipagtalik at regular na HIV testing upang mapigil ang lalo pang pagtaas ng bilang ng kaso.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.