Holdaper, sugatan matapos lumaban sa mga pulis

0
653

LUCENA CITY, Quezon. Naaksyunan agad ang isang insidente ng robbery/holdup sa isang bagong bukas na convenience store matapos makipagbarilan sa mga pulis ng Lucena City Police Station ang suspek, kahapon ng madaling araw sa Barangay Ibabang Dupay dito.

Kinilala ni PLt.Col.Reynaldo Reyes, hepe ng pulisya sa lungsod, ang naarestong suspek na si alyas John, 25, binata ng Mulanay, Quezon, na kasalukuyang nasa MMG Hospital dahil sa tama ng bala sa kanang binti.

Sa ulat ni Reyes, bandang alas-11:40 ng gabi habang nasa loob ng Alfamart ang store manager na si Hermie at tatlong crew, pumasok ang suspek na nagpapanggap na customer at biglaang nagdeklara ng holdap.

Agad namang ibinigay ng manager ang halagang P34,398.00 na kita sa suspek bago ito tumakas sakay ng isang Yamaha Aerox.

Pinindot ng mga empleyado ng tindahan sa one-button police emergency application ng Lucena PNP kaya agad na nakatugon ang mga pulis.

Nahuli ang suspek sa Metropolis Subdivision Purok Baybayin subalit sa halip na sumuko aynanlaban ito at nakipagbarilan sa mga otoridad.

Sa sagupaan, tinamaan sa binti ang suspek at narekober mula sa kanya ang isang Glock 17 Gen4 caliber 9MM at isang magazine na may 14 na bala.

Natagpuan rin sa utility box ng motorsiklo ang ninakaw na pera, mga personal na gamit, at isang sling bag na naglalaman ng isa pang magazine na may 14 na bala.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.