Holduppers na walang armas at sakay sa mountain bike, tinutugis sa Cavite

0
202

CAVITE CITY. Magkasunod na insidente ng panghoholdap ang nangyari sa dalawang convenience store sa lalawigang ito kahapon, kung saan ang isa sa mga holdaper ay naka-bisikleta lamang.

Ang unang pangyayari ng panghoholdap ay naganap sa Alfmart sa Brgy. Niog, Bacoor City, kung saan dalawang suspek ang nagpanggap na mga customer. Ayon kay Maya Ocampo, isang empleyado ng nasabing tindahan, alas-2:27 ng madaling araw nang pumasok ang dalawang lalaki at bumili ng isang bote ng mineral water.

Nang lumapit sila sa counter upang magbayad, biglang nagdeklara ng holdap ang dalawa. Subalit wala silang anumang armas na dala. Tinakot lamang nila sa salita ang kahera kung kaya at sumunod ito sa utos na buksan ang kaha ng pera.

Matapos makuha ang pera ng tindahan, agad silang tumakas sakay sa dalawang mountain bike.

Sa bukod na insidente, pumasok ang mga armadong holdaper sa isa pang Alfamart sa Dasmariñas City alas-2:15 ng madaling araw.

Tatlong kalalakihan ang lumusob sa tindahan na matatagpuan sa Villa Catalina, Brgy. San Agustin 3, Dasmariñas. Dito, kinuha nila ang duty guard na si Richard Isternon at ini-lock sa loob ng comfort room. Ang dalawang crew naman ay ikinulong sa storage room ng convenience store.

Nakuha ng mga holdaper ang mahigit P200,000 na kita ng tindahan at nagnakaw pa sila ng limang boteng Black Label at apat na Red Label, na may kabuuang halagang P14,000.

Matapos ang kanilang krimen, agad silang tumakas sakay ng isang itim na Honda wave motorcycle, na walang plaka. Ayon sa mga ulat, may taas na 5’4″ ang mga holdaper at sila ay nakasuot ng itim at brown na jacket.

Sa ngayon, isinasagawa na ng pulisya ang mga hakbang para mahuli ang mga holdaper sa magkakasunod na insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.