3 patay, 8 sugatan sa pag-araro ng truck na nawalang ng preno sa Quezon

0
1342

LUCENA CITY — Tatlo ang nasawi, kabilang ang driver ng 10-wheeler truck, habang walo ang sugatan matapos araruhin ng naturang sasakyan ang labing-isang (11) iba pang sasakyan at tatlong bahay sa Barangay Isabang, Lucena City, nitong Sabado ng gabi, Oktubre 11.

Batay sa inisyal na ulat ng Lucena City Police Station, binabaybay ng truck na may kargang mga sako ng abono ang Maharlika Highway patungong city proper nang bigla umanong mawalan ng preno at makawala sa kontrol ng drayber.

View Post

Dahil sa bilis ng takbo, sumampa ang kanang bahagi ng truck sa gutter bago inararo ang mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada. Sa lakas ng banggaan, nagliyab ang ilan sa mga sasakyan at tuluy-tuloy pang sumalpok ang truck sa tatlong bahay, na nagdulot ng malaking pinsala sa mga ari-arian.

Nasawi sa insidente ang drayber at pasahero ng isang tricycle na nadamay sa pag-araro, habang walo pa ang nasugatan at agad na dinala sa ospital upang malapatan ng lunas.

Kinilala rin ng mga awtoridad na kabilang sa mga nasawi ang drayber ng truck, na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Bandang alas-7 ng umaga nitong Linggo, Oktubre 12, natagpuan pa ang isa pang bangkay matapos matuklasang naipit sa isa sa mga bahay na tinamaan ng truck.

Ayon sa mga residente, inakala nilang lindol ang dahilan ng pagyanig bago nila matuklasang isang malaking truck pala ang nagdulot ng aksidente.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkawala ng preno ng naturang truck at ang lawak ng pinsalang iniwan ng insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.