Sunday, May 24, 2026


Your Daily News Update About CALABARZON and Beyond.
ISSN 2799-1911

Home Blog Page 672

DFA: Walang Pinoy na nasawi na naiulat sa heat waves sa buong Europe

0

Isang matinding heat wave na tinatawag ng mga meteorologist na “apocalypse” ang bumalot sa karamihan ng Europe at United Kingdom mula pa noong Lunes, at daan-daang tao ang namatay dahil sa mataas na temperatura at mabangis na wildfire.

Hindi bababa sa 748 ang namatay kaugnay sa naiulat sa heat wave sa Spain at Portugal, kung saan umabot sa 117 degrees ang temperatura ngayong buwan.

Kaugnay nito wala pang Pinoy na naiulat na nasawi sa ngayon sa gitna ng nakapapasong heat waves na dumaan sa buong Europe, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Deputy Assistant Secretary Gonar Musor kahapon.

Binanggit ni Musor na ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Europa ay patuloy na nagpapaalala sa lokal na komunidad ng mga Pilipino na sundin ang mga kinakailangang pag-iingat laban sa mga negatibong epekto na dulot ng heat wave.

Ilang bahagi ng Europe ang dumaranas ng matinding init at sunog ngayong buwan, na nagdulot ng pagtaas ng polusyon sa hangin sa kontinente.

Sa isang advisory noong Hulyo 19, inasahan ng mga siyentipiko ng Copernicus Atmosphere Monitoring Service ang “napakataas na level” ng polusyon sa ibabaw ng ozone sa isang malaking rehiyon ng Europe habang tumataas ang temperatura.

Binanggit ng World Health Organization (WHO) na ang mababang kalidad ng hangin ay nagdudulot ng negatibong epekto, lalo na sa mga taong mahina ng katawan.

“Kapag ang isang heat wave ay sumasabay sa mataas na antas ng polusyon, ito ay nagpapalala sa respiratory, cardiovascular disease at kondisyon, lalo na sa malalaking urban space na hindi angkop upang makayanan ang mga sobang init na ito,” sabi ni WHO Director of Environment and Health na si Maria Neira kanina.

Samantala, sinabi ng United Nations World Meteorological Organization (WMO), ang pagtaas ng temperatura ay “inaasahang magiging pamantayan kung hindi tayo kikilos ngayon.”

“In the future, this kind of heat waves are going to be normal. We will see stronger extremes,” ayon sa babala ni  WMO Secretary General Petteri Taalas.

Provincial Housing Office namahagi ng titulo ng lupa sa mga miyembro ng Alliance of Settlers

0

Cabuyao, Laguna. Ginawaran ng Provincial Urban Development and Housing Office (PUDHO) ng titulo ng lupa ang mga miyembro ng Alliance of Settlers mula sa Laguna Area Homeowners Association, Inc. (ASLAHAI, Inc.) ng Brgy. Banay-banay sa lungsod na ito.

Ang mga miyembro ng ASLAHAI, Inc. ay mga informal settlers na datinh nanirahan sa mga pipeline ng First Philippine Industrial Corporation sa Santa Rosa City, Biñan City at San Pedro City. Inilipat sila noong 2001 sa kasalukuyang relocation sa isang 5,119 sq.m. na luapng pag-aari ni Gorgonio Velasquez.

Sa tulong ng PUDHO, nabili ng ASLAHAI ang naturang lupa kung saan ay 49 sa 97 miyembro ang ganap na nakapagbayad na ng kanilang mga amortisasyon sa pamamagitan ng “Direct Payment Scheme,” at nabigyan na mga titulo. Ang iba sa mga miyembro ay kasalukuyang pang nag aayos ng kanilang installment payments.

Nauna dito, nagbigay ng libreng  teknikal na tulong sa dokumentasyon sa pagbuo ng proyektong pabahay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa kahilingan ni ASLAHAI President Crispina L. Manrique sa pamamagitan ng PUDHO.

Bilang kinatawan ni Gov. Ramil L. Hernandez, ipinamahagi ni  Chief PUDHO Vivencio Malabanan ang mga titulo sa harap nina Laguna 2nd District Rep. Ruth M. Hernandez, District Housing Coordinators Jerry A. Desquitado, Joel R. Cabe, German dela Cruz at Eduardo Viloria.

Php 384K na halaga ng Shabu nakumpiska ng Batangas PNP

Batangas City, Batangas. Nakumpiska ng mga elemento ng Batangas City Police Station ang Php 384,330 na halaga ng hinihinalang shabu sa isang suspek sa buy-bust operation kamakalawa.

Kinilala ni Police Colonel Glicerio Cansilao, Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office, ang suspek na si Patrocinio Barredo Jr, alyas “Pat” 51 anyos na residente ng Brgy. Cuta, Batangas City.

Nakuha sa suspek ang apat na pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may 55.7 gramo at nagkakahalaga ng Php 384,330.

Kinuha din ng mga awtoridad ang kanyang Yamaha sniper motorcycle na ginagamit sa pangangalakal ng droga.

Nakatakdang humarap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

DTI Laguna nagsagawa ng webinar sa Rise-Up Multi Purpose Loan Program

San Pedro City, Laguna. Nagsagawa ng Zoom webinar na Rise-Up Multi-Purpose Loan Program ang Department of Trade and Industry-Laguna Provincial Office (DTI-Laguna), sa pamamagitan ng Negosyo Center nito sa San Pedro City at sa pakikipagtulungan ng Small Business Corporation (SBCorp).

Ang Rise-Up ay isang programa sa pautang na naglalayong mapanatili ang mga pakinabang ng mga microentrepreneur na nakaligtas sa nakalipas na dalawang taon ng krisis, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga multi-purpose na pautang na may soft terms at madaling ma-access. Nagbibigay ito ng serbisyo sa mga multi-sectoral micro, small, and medium enterprises (MSMEs) kabilang ang mga umiiral nang borrower ng SBCorp.

Sa ginanap na webinar ay natulungan ang mga kasalukuyang MSME na maunawaan ang mga pangunahing pangangailangan at maging pamilyar sa pamamaraan ng online application. Dinaluhan ito ng mga umiiral at potensyal na MSME sa San Pedro City, Laguna, at mga MSME sa mga kalapit na lungsod at munisipalidad. Naging resource speaker dito si SBCorp Laguna P3 Coordinator Rona Angulo.

Kaugnay nito ay nagbigay ng updates si DTI Negosyo Center San Pedro Business Counselor Onyx Lim sa mga papa

Nagbabala ang DSWD sa publiko vs. telephone scam sa ‘unclaimed’ COVID-19 aid

Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na maging higit na mapagmatyag at huwag i-entertain ang mga tawag ng isang nagpapanggap na empleyado ng kanilang tanggapan.

Isang ulat mula sa isang concerned citizen ang natanggap ng nabanggit na departamento na may gumagamit ng pangalan ng DSWD sa isang tawag sa telepono upang makuha ang mahahalagang impormasyon ng biktima, partikular ang bank account number, kapalit ng pagpapalabas ng di umano’y hindi na-claim na COVID-19 cash aid. 

Kaugnay ng insidenteng ito, pinaalalahanan ng DSWD ang publiko na iwasang magbigay ng kanilang sensitibong personal na impormasyon sa hindi kilalang indibidwal sa pamamagitan ng tawag sa telepono o mobile call. Binigyang-diin ng Kagawaran na hindi hinhingi ang mga naturang impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.

Samantala, sinabi ng DSWD na, sa kasalukuyan, ang mga serbisyong pinansyal at iba pang nauugnay sa COVID-19 ay pinalawig sa pamamagitan ng Crisis Intervention Unit (CIU) ng Kagawaran na matatagpuan sa Central Office at sa lahat ng DSWD Field Offices sa buong bansa. Ang mga kliyente ng CIU ay sumasailalim sa isang pagtatasa upang mapakinabangan ang kinakailangang tulong.

Gayundin, pinaalalahanan ng Kagawaran ang publiko na sumangguni lamang, magtanong at magpadala ng mga alalahanin sa opisyal na Facebook Page ng DSWD, https://www.facebook.com/ dswdserves o @dswdserves, na mayroong mahigit 1.1 milyong tagasunod, hinggil sa iba’t ibang serbisyo at programa ng Kagawaran.

Lalaki, patay sa baril sa kaanak ng kanyang nobya

0

Imus City, Cavite.  Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa parking lot ng isang palengke sa lungsod na ito sa Cavite.

Nag-ugat daw ang krimen nang bawiin ng biktima ang kaanak nitong babae na itinanan umano ng suspek.

Kinilala ni Imus City Poilice Station PltCol Jun C. Alamo ang biktima na si Saiden Emam Paino, stall owner sa palengke ng Imus.

Nakatakas naman ang suspek na si Badro Sidik Saripada, na stall owner din sa naturang palengke.

Sa kuha ng CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen, makikita ang biktima na pumunta sa nakaparada niyang van.

Bigla namang sumulpot ang suspek at doon na diumano dalawang beses na binaril sa likod ni Saripada si Paino.

Ayon kay Alamo, hepe ng Imus police, nag-ugnat ang krimen ng bawiin ng biktima ang kaanak nito na nobya at diumano ay itinanan ng suspek.

“Yung babae kinuha nila (panig ng biktima) parang binawi. Sa pagkakataong ‘yon, nagkaroon ng konting away, bugbugan,” ayon kay Alamo.

Sinabi ni Alamo na murder ang ikakaso dahil pinagplanuhan ang pagpatay sa biktima.

“Kasi dalawang beses niya nang hinanap ‘yang tao na ‘yan according dun sa witness,” dagdag pa ni Alamo na humingi rin ng tulong sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang suspek.

Wais na 2022-23 local budget preparations, dapat lang

0

Isinasaad at itinadhana ng batas na kada buwan ng July hanggang October, ang bawat tanggapan ng Lokal na Pamahalaan ay kinakailangan magsipaghanda ng isusumiteng budget ng kanilang opisina para sa susunod na taon. Sa Sanggunian  ipapadala upang mapag-aralan, matalakay at mapagtibay sa o bago sumapit  ang December 31 ng nakakasakop na taon.

Ang punong ehekutibo o alkalde ang dapat pangunahing tumutok sa gagawing paghahanda ng annual budget. Titiyaki niya na hindi kukulangin ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan nyang tanggapan subalit masusing bantayan kung labis labis ang mga ito.

Pinakamahirap ang pagbabudget ng mga nasa pamahalaan sapagkat ang inaasahang papasok pa lang na mga salapi at pondo ang pinagbabatayan. Mabuti kung ang darating na pagbubukas ng taon ay may ‘excess fund’ o natirang mga ipon at labis na pondo upang maging maalwan ang pagsisimula ng pagtutustos sa gastusin ng pamamahala.

Nawa’y mapaglaanan ng mas malaking pondo ang pangkalusugan, pang edukasyon at serbisyong panlipunan. Kailangang laging handa ang lahat ng lungsod at bayan sa mga posibleng mangyayari hinggil sa pandemya tulad ng Covid-19. Gayundin sa pagbabalik ng mga bata sa paaralan para sa face to face learning. At higit sa lahat ay ang pag agapay sa mga kababayang nangangailangan ng agarang tulong mula sa lokal na pamahalaan.

Napapanahon na rin upang bawasan ng pondo ng mga programa at proyektong hindi naman masyadong kailangan. Baka ang mga ito ay pag-aaksaya lang ng salapi mula sa kaban ng bayan. Kailangan ding magtipid din ang bawat tanggapan at iwasan ang pag popondo para sa mga hindi importanteng gawin at bilihin na dagdag gastos lang para sa pamahalaan.

Ayon sa pinakahuling Global Financial Stability Report, nagpapakita na ang sistema ng pananalapi ay nakakaramdam na ng malaking epekto, at ang karagdagang pag tindi ng krisis ay maaaring makaapekto sa pandaigdigang katatagan ng pananalapi.

Hindi pa tayo nakakalampas sa pandemya at patuloy na nararamdaman ang masasamang epekto sa ekonomiya ng giyera sa Ukraine at Russia. Kaya matama lamang na tayo ay magtipid at maghanda sa anumang mangyayari bukas.

Reference: Insights & Analysis On Economics & Finance https://tinyurl.com/3y64nvde

‘Hot coco lumber” nasamsam sa Quezon; 3 suspek dinakip

0

Tayabas City, Quezon. Naharang ng pulisya noong Miyerkules ang isang trak na puno ng kahoy niyog na iligal na pinutol na nagkakahalaga ng P150,000 at naaresto ang tatlong tao sa lungsod na ito sa Quezon province.

Iniulat ng Quezon Provincial Police Office na noong Huwebes, Hulyo 21 ay na nag-flag down ng mga anti-illegal logging operatives ang  isang ten wheeler truck na minamaneho ni isang nagngangalang Jerry Grielbo sa Brgy. Calumpang.

Nakita ng mga awtoridad sa sasakyan ang kargang ang mga kahoy ng niyog na iligal na pinutol na may sukat na 13,000 board feet (30.67 cubic meters).

Sinabi ng pulisya na nabigo ang driver at ang kanyang dalawang katulong na sina Graciano Gonzaga at Rico Alauri, na makapagbigay ng Philippine Coconut Authority (PCA) permit para sa mga kargamento kung kaya kinumpiska nila ang mga tabla at ang trak.

Nakakulong ang mga suspek at nakatakdang humarap sa kaso ng paglabag sa Republic Act 10593 o ang Coconut Preservation Act of 1995, kung saan ay ipinagbabawal ang pagputol ng mga puno ng niyog maliban kung pinahihintulutan ng lokal na tanggapan ng PCA.

Inaanyayahan ng PBBM ang mga Pilipino na manood ng kanyang unang SONA

Inaanyayahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na panoorin ang kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 25 sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Nanawagan si  Marcos sa caption ng isang video montage na nai-post sa kanyang opisyal na pahina sa Facebook na nagpapakita ng kanyang paglalakbay mula sa kampanya sa pagka pangulo hanggang sa kanyang inagurasyon at sa pagsasagawa ng mga tungkulin sa pagka pangulo sa Palasyo ng Malacañan.

Sa comment section, nagpadala ang mga netizens ng good luck wishes at nagpahayag ng pananabik na panoorin ang ulat ng Pangulo sa estado ng bansa at agenda ng gobyerno para sa taon.

Ayon sa Official Gazette, ang SONA ay isang obligasyon sa konstitusyon, na kinakailangan sa ilalim ng Artikulo VII, Seksyon 23 ng 1987 Konstitusyon: “[T]ang Pangulo ay dapat humarap sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito.”

Ang Artikulo VI, Seksyon 15 ay nag-uutos din na ang Kongreso ay “magpupulong isang beses bawat taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo para sa regular na sesyon nito.”

Pinahintulutan ng House of Representatives ang buong kapasidad nito para sa unang SONA ni Marcos sa Hulyo 25 sa gitna ng umiiral na pandemya ng Covid-19.

Nauna dito, sinabi ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza na humigit-kumulang 1,200 katao ang papayagang makapasok sa Kongreso kabilang ang 300 miyembro ng kongreso, 24 na senador, at mga miyembro ng diplomatic corps.

Ito ang unang pagkakataon na papayagan ang Kongreso sa buong kapasidad mula noong 2019. Idinaos ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang huling dalawang SONA sa magkahalong live at virtual setup dahil sa mga paghihigpit sa pandemya ng Covid-19. (PNA)

Php 784K na halaga ng shabu nakumpiska ng PRO Calabarzon

0

Antipolo, Rizal. Arestado ang tatlong drug suspect bandang ala unina sa Sitio Gumamela 1, Brgy. Ang Sta. Cruz, Antipolo City, Rizal.

Kinilala ang tatlong naarestong suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Provincial Intelligence Unit at PNP Drug Enforcement Group na sina Jeffrey Esguerra y Verin alyas ‘Jeff”, 47 anyos na residente ng Sitiio Maligaya, Brgy. San Isidro, Antipolo City; Anastacio Hementiza y Dela Cruz alyas ‘Jun’, 62 anyos na binata; at Rodel Dizon y Mendoza alyas ‘Del”, 41 anyos na tricycle driver, pawang mga  residente ng Upper Sto Niño, Sta Cruz, Antipolo City.

Si Hementiza ay nakalista sa watchlist ng mga pusher habang si Dizon ay nakalista bilang user sa City Drug Watch List. Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot ang isang alyas ‘Jeff’ sa pagde-deliver at pagbebenta ng iligal na droga sa lugar.

Nakumpiska sa kanila ang tatlumpu’t dalawang piraso ng sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit o kulang 110 gramo at may standard value na Dangerous Drug Board na Php 784,000.

Dinala ang suspek sa Rizal Provincial Hospital System- Antipolo Annex para sa physical examination saka ikinulong sa Rizal Police Provincial Office custodial facility.

“Let us continue to intensify our anti- Illegal drug operation in the entire region. We will not stop suppressing and arresting people who destroy our country and the future of our children. We will clean up every road in the region until the illegal drugs will no longer exist in our country, ” ayon sa tugon ni Regional Director ng Police Regional Office 4A, Police Brigadier General Antonio C. Yarra sa nabanggit na report ng Rizal PP).