Wednesday, April 29, 2026


Your Daily News Update About CALABARZON and Beyond.
ISSN 2799-1911

Home Blog Page 726

Handa na ang Comelec sa unang presidential at VP debates bukas, Marso 19 at 20

Nag aanyaya ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na panoorin ang unang Pilipinas Debates 2022 ngayong weekend.

Sinabi ni Commissioner George Erwin Garcia na ang unang presidential at vice presidential debate ay gaganapin sa Sofitel Tent sa Pasay City sa Marso 19 (bukas) at 20, sa alas-7 ng gabi.

“Join us in the debates because we have to know our candidates. We have to know our candidates. This is our contribution in at least ensuring that the voters are fully aware of who they are voting for, of their qualifications, of their positions,” ayon sa kanya sa isang press briefing kagabi.

Tiniyak din niya na magiging patas ang kaganapan sa lahat ng kalahok.

“We will ensure that we will be able to do it impartially, fairly, at the same equal opportunity for everyone to talk to the voters,” ayon sa kanya.

Ang mga debateng gaganapin ngayong weekend ay ang una sa limang serye ng debate na inorganisa ng Comelec para sa mga kandidatong tumatakbo sa mga pambansang posisyon.

Siyam sa 10 presidential candidates ang nakatakdang dumalo sa March 19 event kabilang si dating presidential spokesperson Ernesto Abella, labor leader Leody de Guzman, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating National Security Adviser Norberto Gonzales, Senator Panfilo Lacson, Senator Emmanuel Pacquiao, negosyanteng Faisal Mangondato, Dr. Jose Montemayor Jr., at Bise Presidente Leni Robredo.

Nauna nang sinabi ni abogadong si Vice Rodriguez, tagapagsalita ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi sasali ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang mga debate.

Ang mga kalahok sa vice presidential debate na gaganapin sa Marso 20 ay sina Walden Bello, Rizalito David, Manny Lopez, Dr. Willie Ong, Senator Francis Pangilinan, Carlos Serapio, at Senate President Vicente Sotto III.

Pormal nang tumanggi si dating Manila mayor Lito Atienza dahil sa medikal na dahilan.

Hindi rin dadalo ang running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Gayunpaman, sina Marcos at Duterte ay hindi pa nagsusumite ng nakasulat na paunawa sa poll body hinggil sa hindi nila paglahok sa mga debate.

Sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez na maaaring panoorin ng publiko ang mga debate sa telebisyon dahil ang lahat ng mga local channel ay magpapalabas ng programa.

Mapapanood din online ang debate dahil sabay-sabay itong i-stream sa lahat ng social media page ng poll body (Facebook, Twitter, at YouTube).

Aktor, inaresto ng Tagaytay PNP matapos mambugbog ng gf

0

Tagaytay City, Cavite. Iniligtas ng Camp BGen Vicente P Lim-Tagaytay PNP ang binugbog na babae sa isang hotel sa Tagaytay City kanina, Marso 18, 2022 matapos makatanggap ng tawag mula sa Dial 911.

Batay sa salaysay ng biktima, nagkaroon siya ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang nobyo na nagresulta sa pisikal na karahasan. Diumano ay sinaktan at sinuntok ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Matapos ang matagumpay na rescue operation, agad na isinugod sa ospital ang biktima upang magamot.

Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek sa nasabing insidente na kinilalang si Keith Thompson, isang aktor at commercial model na residente ng Angeles City, Pampanga para sa karagdagang imbestigasyon.

Pinuri ni RD Yarra ang mga operatiba sa mabilis na pagtugon sa umano’y insidente ng pambubugbog sa babae.

“Ang ganitong klaseng violence ay hindi dapat ipinagsasawalang bahala lamang. I will take this chance to call on other women who are victims of violence not to be afraid and report immediately to the nearest police station their situation. Kagaya na lamang po ng biktima sa insidenteng ito, agad na nabigyan ng aksyon at hindi na umabot pa sa mas marahas na sitwasyon”, ayon sa mensahe ng PNP Regional Director.

Iniimbestigahan ang 10 persons of interest sa pagpatay sa barangay chairman sa Cavite

0

Calamba City, Laguna. Sampung tao ang itinuturing na persons of interest ng pulisya hinggil sa pananambang at pagkakapatay kay Brgy.chairman Jaime Alamo sa Bacoor City, Cavite noong Linggo ng gabi.

Sinimulan ng binuong Special Investigation Team ang pagkakakilanlan sa 10 indibidwal na posibleng sangkot sa pagpatay kay Alamo.

“We are currently investigating several individuals and we are also conducting re-tracking investigation, as well as gathering evidence and looking several video footage of close-circuit television camera installed near the crime site and the route of the gunman before and after the crime,” ayon sa isang pulisya na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Ilan sa anggulo ang sinisilip ng pulisya sa motibo ng pagpatay sa biktima ang away sa lupa, trabaho, personal na alitan, at iba pang isyu sa housing association.

Maaalala na noong linggo ng alas-7:40 ng gabi, habang minamaneho ni Alamo ang kanyang Toyota Wigo (DAC-8384) ay nilapitan siya ng dalawang motorsiklona sakay ang mga suspek sa  kahabaan ng Niog Road,Barangay Niog 2, Bacoor City, Cavite at siya ay pagbabarilin.

Ang biktima ay barangay captain ng  Panapaan 8, Meadowood, Bacoor City at pangulo ng Tricycle Operators-Drivers Association (TODA).

Four-day work week scheme, hinihintay na desisyunan ni Duterte

Inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Marso 21 ang kanyang desisyon sa panukalang magpatibay ng apat na araw kada linggo na trabaho upang matulungan ang mga manggagawa na makayanan ang tumataas na presyo ng langis, ayon sa Malacañang noong Huwebes.

“Malalaman po natin ito ngayong darating na Lunes,” ayon kay acting Presidential Spokesperson and Communications Secretary Martin Andanar sa isang panaya, sa radyo.

Iminungkahi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua nitong Martes ang isang four-day work week scheme upang makatipid sa enerhiya at maibsan ang mga gastos na may kinalaman sa trabaho sa gitna ng serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sinabi ni Chua, sa isang pulong na ipinatawag ni Duterte sa Palasyo ng Malacañan noong Martes ng gabi, na ginawa rin ang ganitong panukala noong 1990 noong Gulf War at noong 2008 nang tumaas din ang presyo ng petrolyo.

Sinuportahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang panukala ni Chua para sa pinaikling linggo ng trabaho at pagpapalawig ng work-from-home arrangement.

Sinabi ni Andanar na pinag-aaralan pa ni Duterte ang rekomendasyon ni Chua.

“Ito po ay rekomendasyon, ito’y suggestion para po maibsan iyong posibleng negative effect,” ayon sa kanya.

Ang Metro Manila at ilang bahagi ng bansa ay isinailalim sa pinaka-relax na Alert Level 1 para sa buwan ng Marso.

Ang Alert Level 1 ay nagpapahintulot sa lahat ng manggagawa ng gobyerno at pribadong sektor na bumalik sa kanilang mga lugar ng trabaho upang pasiglahin ang mga aktibidad sa ekonomiya.

Noong Martes, nagpasya si Duterte na panatilihin ang koleksyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng presyo nito.

Ginawa ni Duterte ang desisyon matapos magbabala si Finance Secretary Carlos Dominguez III na ang pagsususpinde sa koleksyon ng excise tax sa gasolina ay magbabawas sa kabuuang kita ng gobyerno ng PHP105.9 bilyon sa 2022.

Sa halip ay inaprubahan niya ang panukala ni Dominguez na ipamahagi ang PHP200 buwanang subsidyo sa humigit-kumulang 12 milyong mahihirap na Pilipino sa loob ng isang taon.

Duterte: Nananatiling ‘neutral’ ang paninindigan ng PH sa tunggalian ng Russia at Ukraine

0

Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes na mananatiling neutral ang Pilipinas sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa isang talumpati na binitiwan sa Palo, Leyte, tumanggi si Duterte na pumanig, sinabing mas gugustuhin niyang huwag makialam sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

“Itong neutrality na ‘to, we just maintain it,” ayon kay Duterte sa inagurasyon ng bagong Leyte Provincial Capitol at  turnover ng iba’t ibang government projects sa  Eastern Visayas.

Idiniin niya na ang Pilipinas ay hindi makikipag away kahit saang bansa. 

“Hindi natin away iyan, huwag tayong makialam,” ayon sa kanya.

Gayunpaman, sinabi niya na siya ay nag aalala sa posibleng epekto ng salungatan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa buong mundo, kung sakaling ito ay lumala at umabot sa isang nuclear war.

“If it goes nuclear, that’s the end of the world. Tapos na talaga lahat,” ayon kay Duterte.

Ang International Court of Justice (ICJ), ang pinakamataas na hukuman ng United Nations (UN) para sa mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga estado, ay nag-utos sa Russia na agad na itigil ang mga aksyong militar sa Ukraine, na sinasabing ito ay “labis na nag-aalala” sa paggamit ng Moscow ng pwersa. 

Nagsampa ng kaso ang Ukraine laban sa Russia sa harap ng ICJ noong Pebrero upang magsagawa ng mga paglilitis laban sa pagsalakay ng Moscow.

Inamin ni Duterte na ang kasalukuyang sitwasyon ni Russian President Vladimir Putin ay “nakakasakit” sa kanya dahil itinuring niya ang huli bilang kanyang “kaibigan.”

“Ako diyan sa Russia, nasasakitan ako. Kaibigan ko si Putin eh. He’s a personal friend,”ayon sa kanya.

Sa inagurasyon ng Narvacan Farmers’ Market sa Ilocos Sur noong Marso 4, sinabi ni Duterte na kailangang manatiling neutral ang Pilipinas hanggang sa itulak ng “reality” ang bansa na “pumili kung saan tayo papanig.”

Kinilala rin ni Duterte na isa nang “suicidal” leader si Putin.

Laguna PPO: 64 anyos na magsasaka, arestado dahil sa 5 kaso ng pambabastos

0

Sta. Cruz, Laguna. Arestado ng Laguna Police Office ang dalawang lalaking akusado hinggil sa malaswa at bastos na gawain sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa noong Marso 16 sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu ng mga korte laban sa kanila.

Huli si Pablo Talagtag Balleras 64 taong gulang na magsasaka sa San Isidro, Brgy. Balian, Pangil, Laguna ng  mga tauhan ng Pangil Municipal Police Station sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Police Lieutenant Berlin I Allan, Acting Chief of Police kasama ang mga operatiba ng RID 4A RIT Laguna/Rizal. Ang akusado ay rank 13 sa listahan ng Most Wanted Person (MWP) sa Calabarzon dahil sa limang kaso ng Acts of Lasciviousness.

Kasabay nito ay inaresto ng Famy Municipal Police Station sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Police Captain Abelardo D Jarabejo III, Acting Chief of Police si Dexter Vita Salisi, 39 taong gulang, sa Brgy Salang Bato, Famy, Laguna sa kaso ring  Lascivious Conduct. Ang akusado ay Top 5 sa MWP list ng Laguna Police Provincial Office (PPO).

Arestado din ng Calamba City Police Station (CPS) sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni P/Lt. Col Arnel Pagulayan, Chief of Police, si Jude De Leon, 24 anyos, isang production operator sa Brgy. Real, Calamba City, sa kasong paglabag sa Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004 (VAWC Act). Ang akusado ay rank number 9 MWP ng Calamba CPS.

Dinala ang mga nahuling MWP sa himpilan ng pulisya na nakasasakop habang inihahanda ang ulat sa pagbabalik ng warrant of arrest sa mga korte kung saan sila ay nakahabla, ayon sa ulat ni Laguna Police Provincial Director, Police Col. Rogarth B. Campo kay CALABARZON Regional Director, Police BGen Antonio C. Yarra.

“We are continuously pressing on our campaign to eradicate all forms of criminality including intensification of manhunt operations against wanted persons within the Province.” ayon kay Campo.

4 na ‘persons of interest’ kinilala sa pamamaril kay Infanta Mayor Amerika

0

Tinukoy ng special investigation task group (SITG) na binuo ng Philippine National Police (PNP) ang apat na persons of interest sa pag-atake kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America noong nakaraang buwan.

Sinabi ni PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, noong Huwebes na nakolekta ng mga imbestigador ang mahahalagang piraso ng ebidensya tulad ng closed-circuit television (CCTV) footage na nagpapakita ng mga posibleng suspek sa paligid ng pinangyarihan ng krimen.

Sa ikatlong kumperensya ng SITG “America” ​​kasama ang Election Related Incident Validation Committee, ipinakita ng mga imbestigador ng pulisya ang mga sinumpaang salaysay mula sa apat na personalidad na inaasahang magbibigay ng mga lead at mag-uugnay ng ebidensya sa mga persons of interest na makikita sa CCTV footage.

Nagsagawa na ng cross-matching examinations ang Regional Forensic Unit 4A (Calabarzon) sa mga nakuhang ebidensya.

“We are still in the process of determining how much of politics can really be involved in this slay try. Our coordination with the Commission on Elections regarding this incident is constant so as to identify the climate of violence that may persist in the area,” ayon kay Carlos sa kanyang Carlos statement.

Ang alkalde ay kilala sa kanyang mahigpit na pagtutol sa quarrying sa kanyang bayan.

Si America, na naghahangad na muling mahalal sa botohan sa Mayo, ay humingi ng sapat na panahon sa mga imbestigador upang maibigay niya ang kanyang buong patotoo sa kaso.

Dumalo si America sa isang misa at nasa loob ng kanyang sports utility vehicle nang paputukan siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Pebrero 27.

Duque: Nakataas pa rin ang mandato sa pagsusuot ng mask

Nanatili ang mandato ng mask kahit na patuloy na bumaba ang mga kaso ng coronavirus, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III kahapon.

Sa isang televised public briefing, binanggit ni Duque bilang halimbawa ang mga bansa sa Europe gaya ng Austria, Denmark, France at Germany na nakakaranas na ngayon ng spike sa mga impeksyon sa coronavirus matapos alisin ang kanilang mask mandates.

“Matuto tayo sa iba’t ibang karanasan ng mga bansa sa Europa na kung saan tinanggal nila ang mask mandates, naglipana na naman ang mga kaso,” ayon kay Duque.

Tiniyak ni Duque sa publiko na pinag-aaralan ng mga eksperto sa bansa ang posibleng pagtatanggal ng mandato ng face mask at pagbaba sa lower alert status ng Covid-19 risk classification.

“Eh, gusto ba natin matulad sa kanila? Ayaw natin, so, dahan dahan tayo let us be prudent and let us be guided by data and science through our expert panel,” ayon sa kanya.

Noong Miyerkules, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang karagdagang pagpapagaan sa mga paghihigpit sa paggalaw ay tatalakayin kapag ang buong bansa ay nasa ilalim na ng Alert Level 1.

“Sa ngayon masyadong premature, masyado pang maaga, so, Alert Level 1 muna tayo, malamang hanggang sa katapusan ng termino ng ating Pangulong Duterte,” dagdag pa ni Duque.

Rebuilding Lives: Mga dating rebelde sa Laguna tumanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa DOLE

0

Walong Former Rebel (FR) mula sa Laguna ang nakinabang ng livelihood packages mula sa Department of Labor and Employment Laguna (DOLE) Laguna sa isang simpleng hand-over of benefits ceremony na ginanap sa Hqs, 202nd Infantry (Unifier) ​​Brigade, Brgy West Talaongan, Cavinti, Laguna , noong Marso 15, 2022.

Pinangunahan ni DOLE Laguna Provincial Director Guido R. Recio ang pagbibigay ng livelihood grant na nagkakahalaga ng PhP30,000.00 sa bawat FR kasama si Ms. Maricar A. Palacol, focal person ng Laguna Peace and Order Council na kumakatawan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, at Brigadier General Cerilo C Balaoro Jr, Commander, 202nd Infantry (Unifier) ​​Brigade.

Ang livelihood grants ay karagdagang benepisyo bukod sa mga natanggap na nila sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Ang interbensyon na ito ay resulta ng consultative meeting ng Laguna Provincial Task Force ELCAC (PTF-ELCAC) partikular ang PRLEC cluster na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga dating rebelde sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang sustainable sources of income.

Si Alyas Aloma, isa sa mga nakatanggap, ay nagpahayag ng kanyang lubos na pasasalamat kasama ang iba pang mga FR sa gobyerno sa karagdagang tulong na kanilang natanggap. Tiniyak niya sa mga opisyal ng gobyerno na naroroon ang kanilang kooperasyon sa lahat ng kanilang pagsisikap sa kapayapaan at pag-unlad lalo na sa paghikayat sa kanilang mga dating kasamahan na magbalik loob na sa batas.

Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, pinapurihan ni Palacol, ang focal person ng Provincial Peace and Order Council ang mga miyembrong ahensya ng Provincial Task Force ELCAC sa naging makabuluhan at matagumpay ang aktibidad. “Ang tulong na ibinigay sa mga dating rebelde ay nagpapakita ng pagtutulungan ng yunit ng pamahalaang panlalawigan at iba’t ibang linya ng ahensya ng pamahalaan na may layuning magtatag ng mapayapang kapaligirang nakakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya,” ayon sa kanya.

Pinuri naman ni Balaoro Jr. ang DOLE Laguna at Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa walang sawang pangako sa muling pagtatayo ng buhay ng mga dating rebelde. “Ang tulong na ibinibigay ng gobyerno ay hindi lang para sa kanila kundi para din sa kanilang mga pamilya at sa mismong komunidad. Sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno, patuloy naming tutulungan ang mga FR na magsimula ng disente at mapayapang buhay kasama ang kanilang mga pamilya,” ayon sa kanyang mensahe.

Hinikayat din niya ang mga dating rebelde na maging tagapagsalita ng hakbanging ito upang makumbinsi ang mga natitirang miyembro ng NPA na bumalik sa batas at makibahagi sa panibagong buhay sa kanilang mga pamilya sa halip na ituloy ang landas sa karahasan.

Sinabi ni Recio na ang DOLE at iba pang ahensya ng gobyerno ay nananatiling walang humpay sa kanilang pagsisikap sa paghahangad ng iisang adhikain sa pagtulong sa mga dating rebeldeng na makabalik sa kanilang normal na mapayapa at produktibong pamumuhay. Tiniyak niya na patuloy na tutulong ang kanilang ahensya hindi lamang sa mga dating rebelde kundi maging sa iba pang sektor na nangangailangan ng kanilang tulong.

Sa linyang ito, ang 202nd Brigade ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno at non-government organization upang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga dating rebelde at reoriented na organisasyon ng mga cleared na barangay at organisasyong masa na apektado ng CTG.

Mag alaga tayo ng manok na Tagalog

Lugaw ang isa sa paboritong meryenda ng mga Pinoy. Popular ito sa mga Pinoy siguro dahil sa abot kaya ng bulsa. Kalimitan ang lugaw ay niluluto lang sa mga bahay bahay at binebenta bilang street food pero ngayon ito ay franchised na din at matatagpuan na rin sa mga mall. 

Madali namang lutuin ang lugaw. Mas pinasasarap ito kapag sinamahan ng native chicken. Naka-mindset na tayog mga Ponoy na ang native na manok ay pang tinola lamang. Pero kung masusubukan ninyo ito sa arroz caldo, mapaparami ang kain ninyo sa kakaiba nitong sarap at linamnam. 

Marami ngayon ang nagtitipid dahil nawalan ng trabaho o lumiit ang kita dulot ng pandemic kaya nagtitiis na lang silang magluto ng lugaw para mapagkasya ang konting kinikita. Kahit nagtitipid, maging masustansya ang lugaw kapag native na manok ang kasama. Busog na ay lalakas pa ang ating katawan. 

Sa bukid namin ni Myrna ang pag aalaga ng tagalog na manok ay  bahagi na ng aming pang araw-araw na buhay. Alam naman siguro natin na ang native chicken ay maraming health benefits gaya ng pagkakaroon ng malusog at matibay na buto. Hindi lang sa mga madidilaw na gulay matatagpuan ang vitamin A. Ang tagalog na manok ay mayaman din sa vitamin A. 

Maaring nagtataka tayo kung bakit kalimitan ang ating mga doktor ay nagrerekomenda na humigop tayo ng chicken soup kapag may lagnat o trangkaso. Ito ay dahil sa ang tagalog na manok ay nakakapag palakas ng ating immune system. 

Kaya sa panahon ngayon ng financial crisis ay mabuting tayo’y maging madiskarte kung paano natin mapapahaba ang ating budget. Isang paraan ang pag alaga ng manok na Tagalog kahit sa maliit na bakuran lamang. Kapag meron na tayong dumalaga na mailalahok sa arroz caldo, lugaw man ang nakahain sa ating hapag ay makakatiyak naman tayong ito ay masustansya. 

Essential ang lugaw sa panahong ito ng krisis. Hindi lang budget ang nagpapahaba dahil ayon sa kasaysayan at maging sa pag aaral ng mga dietician sa America, pinahahaba din nito ang buhay. https://tinyurl.com/mrxbrwkp

Word of the Week

Sapagka’t ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan – Kawikaan 2:6

Native chicken. Free range chicken farming