Hostage taker sa Cavite, patay matapos makipag barilan sa mga pulis

0
255

Bacoor City, Cavite. Isang lalaki ang nasawi matapos siyang makipaglaban sa mga pulis matapos niyang mang-hostage ng dalawang indibidwal sa isang bahay kaninang madaling-araw sa Brgy. Molino 3, bayang ito.

Kinilala ng Bacoor Police ang nasawing hostage taker na si Danilo Gonzales, na hindi pa matukoy ang tirahan.

Base sa ulat, tumagal ng humigit-kumulang dalawang oras ang negosasyon sa pagitan ng suspek at ng mga pulis bago napatay ang suspek.

Sa imbestigasyon nina Master Sergeant Albert D. Badocdoc at P/Patrolman Levin Sinatad, bandang alas-3:30 ng madaling-araw, tumanggap ng tawag ang himpilan mula sa mga residente ng nabanggit na lugar na may isang armadong lalaki na nagwawala.

Nagtungo ang mga pulis at ang SWAT team, ngunit hindi nila naabutan ang suspek. Agad nilang ginalugad ang lugar at hinanap ito hanggang sa matagpuan nila ito malapit sa pangunahing daan ng Camella Springville, Brgy. Molino 3, na may hawak pa rin na baril.

Nang subukan ng mga pulis na lapitan at kausapin ang suspek, bigla itong tumakbo at pumasok sa isang bahay sa Nazareth Compound. Dito niya hinostage ang dalawang residenteng sina Danilo Obenia Agravante, 65-anyos, at Julieta Cabanto Agravante, 32-anyos, isang Sales Agent.

Agad na sinakal ng suspek ang matandang si Agravante, itinutok ang baril sa ulo nito, at sinigawan ang mga pulis. Nagbanta ito na papatayin ang dalawang biktima kung hindi siya titigilan.

Nagkaroon ng negosasyon at pilit na kinausap ng mga pulis ang suspek na sumuko. Gayunpaman, mas lalo pang nagalit ito at itinutok ang kanyang baril sa mga pulis, kaya’t agad siyang pinaputukan.

Nang bumagsak na at hindi na gumagalaw ang suspek, agad na nasagip ang dalawang biktima.

Nakumpiska sa crime scene ang isang M1911 caliber .45 na galing sa U.S. Army, may serial number na 738141, at may laman na apat na bala.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.