House at Senado, nanawagan ng payak na SONA bilang pakikiisa sa mga nasalanta

0
458

MAYNILA. Nanawagan sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ilang senador na gawing simple at may pagninilay ang pagbubukas ng 20th Congress at ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang pakikiisa sa milyun-milyong Pilipinong apektado ng sunod-sunod na bagyo at pagbaha.

Ayon kay Romualdez, hindi naaangkop ang pagdaraos ng magarbong seremonya sa panahong marami pa ang nagsusumikap makabangon mula sa epekto ng bagyong Crising, Dante, at Emong.

“It would be out of touch to maintain a show of pageantry while our people are still in recovery,” ani Romualdez. Dagdag niya, mananatili ang pormalidad ng pagbubukas ng Kongreso, ngunit aalisin ang mga palamuti gaya ng red carpet, fashion coverage, at engrandeng presentasyon.

“The opening of Congress is not a fashion event. It is a working session. Let’s begin it with the seriousness and humility our times demand,” dagdag pa ng Speaker.

Samantala, iginiit din nina Senadora Loren Legarda at Senador JV Ejercito ang kahalagahan ng pagiging sensitibo sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Ayon kay Legarda, “The Senate opening and the SONA must be made simple, as it should be, attuned with the times. Our people are suffering from the floods. We must use the occasion to solve the problems, to be part of the solution.”

Kadalasan, ang SONA ay sinasalubong ng red carpet entrance ng mga mambabatas na nakasuot ng magagarbong barong at gown. Ngunit ngayong taon, posible itong alisin bilang simbolo ng pakikiisa sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.