House-to-house jabs para sa seniors, may comorbidity muling itutulak

0
359

Muling nanawagan ang Malacañang sa mga local government units (LGUs) na muling isagawa ang house-to-house vaccination drive upang mabakunahan ang mas maraming senior citizen at mga taong may comorbidities laban sa Covid-19.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, acting presidential spokesperson, na ang pagbibigay ng mga serbisyo sa pagbabakuna sa bahay ay magbibigay ng kaginhawahan para sa mga priority group na ito, lalo na sa mga nahihirapang maglakbay sa mga vaccination site.

“Yung house-to-house campaign will be very effective para yung sa accessibility at meron din po tayong mga kababayan na talagang nahihirapan sila lumabas, nahihirapan pumunta sa vaccination sites,” ayon kay Nograles sa isang panayam sa radyo noong Sabado.

Kinilala ni Nograles ang ilang LGUs na nagsasagawa na ng house-to-house vaccination drive ngunit binanggit nito na ang mga LGU sa labas ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ay kailangan ding gawin ito.

“Yung hindi makakapag biyahe. Kailangan reach out nalang tayo sa kanila ,” ayon kay Nograles.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng kooperasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan gayundin ng pangkalahatang publiko upang makamit ang mga layunin ng pagbabakuna ng bansa.

Samantala, muling ipinagtanggol ni Nograles ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga punong barangay na higpitan ang paggalaw ng mga indibidwal na hindi nabakunahan laban sa Covid-19.

Ibinaba ang direktiba ni Duterte habang kinakaharap ng bansa ang panibagong pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Binanggit niya ang sinabi ng mga health experts,na ang mga hindi nabakunahan na magkakasakit ng Covid-19 ay may mas mataas na peligro ng mga komplikasyon, tulad ng mga pagpapa ospital at pagkamatay mula sa virus, kumpara sa mga nabakunahan.

“It’s really for the protection of those unvaccinated,” ayon sa kanya.

Sa kasalukuyan, mahigit 54 milyong Pilipino ang fully vaccinated na laban sa Covid-19.

Layunin ng Pilipinas na maabot ang layunin nitong ganap na mabakunahan ang 90 milyong Pilipino bago matapos ang Hunyo.

Noong Linggo, nag-ulat ang Department of Health ng 37,154 karagdagang kaso ng Covid-19, kaya umabot na sa 3,205,396 ang kabuuang bilang ng mga kaso sa bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.