HR manager, pinatay ng riding-in-tandem sa Cavite

0
463

GEN. TRIAS CITY, Cavite. Patay ang isang 36-taong-gulang na HR manager ng isang golf club at residential estate matapos barilin sa ulo ng riding-in-tandem habang naglalakad kamakalawa ng hapon.

Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Josephine Agoncillo Sasi, na nagtatrabaho bilang HR manager sa Eagle Ridge Golf and Country Club and Residential Estates.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, nangyari ang insidente bandang 5:15 ng hapon sa harap ng gate ng Metro South Subdivision sa Governors Drive, Brgy. Manggahan. Ang biktima ay kakababa lamang mula sa kanilang shuttle service at naglalakad patungo sa subdivision nang biglang dumating ang mga suspek. Binaril siya sa ulo ng backrider habang ang driver ng motorsiklo ay nakasuot ng pula at itim na jacket.

Agad na bumulagta si Sasi matapos ang pamamaril, habang mabilis na tumakas ang mga suspek na parehong naka-helmet. Isa sa mga suspek, na nakasuot ng itim na jacket, ang siyang bumaril sa biktima.

Ayon kay PLt.Col. Jaymar Marbella, hepe ng General Trias Police, pinapatutukan niya ang kaso at inutusan ang kanyang mga tauhan para sa follow-up operation. Mayroon na umanong motibo sa krimen ngunit hindi pa ito maaaring ihayag.

Kasalukuyan ding kinakalap ng mga awtoridad ang footage mula sa CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.