MAYNILA, Philippines — Dumalo si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes ng hapon upang humarap sa preliminary investigation kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya na may kinalaman sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Si Revilla, na kasalukuyang nakadetine sa Male Dormitory ng Payatas Quezon City Jail, ay dinala sa DOJ na nakasuot ng dilaw na jail t-shirt, may suot na bulletproof vest, at nakaposas habang ineeskortan ng mga miyembro ng Payatas Police.
Bukod sa plunder, nahaharap din ang dating senador sa mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, receiving gifts by public officers, at corruption of public officers.
Dumalo rin sa pagdinig sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, dating DPWH engineer Henry Alcantara, at dating DPWH–National Capital Region Director Gerard Opulencia bilang mga state witness sa kaso.
Nauna dito ay itinanggi ni Revilla ang mga alegasyon laban sa kanya.
Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilan sa kanyang mga tagasuporta sa harap ng DOJ habang isinasagawa ang pagdinig.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





