Huwag nang isama ang mga bata at pets sa sementeryo sa Undas; 2.2M pasahero, inaasahan sa mga pantalan

0
294

MAYNILA — Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag nang isama ang maliliit na bata at mga alagang hayop sa sementeryo ngayong Undas dahil sa inaasahang dadagsa ng mga tao sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.

Ayon kay MPD spokesperson Police Major Philipp Ines, mas mabuting iwan sa bahay ang mga bata at alaga upang maiwasan ang abala at panganib sa masisikip na lugar. “Huwag dalhin ang inyong mga alaga dahil baka ma-stress sila sa loob ng sementeryo, at kung maaari, huwag na rin dalhin ang mga bata,” aniya.

Para sa mga magulang na walang mapag-iiwanan ng anak, maaaring magpatala sa police desk sa entrada ng sementeryo upang mabigyan ng name tag ang bata. Layunin nitong mapadali ang paghahanap kung sakaling mawala ito sa loob ng sementeryo.

Inaasahan ng MPD ang pagdagsa ng mga bumibisita sa Manila North Cemetery mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1, batay sa 1.5 milyong dumalo noong nakaraang taon. Naka-deploy din ang mga pulis na naka-plain clothes at may mga command post sa bawat entrada upang tumulong sa mga bisita at mapanatili ang kaayusan.

Ngayong taon, umabot na sa 37,000 katao ang bumisita sa Manila North at South Cemeteries isang linggo bago ang Undas.


PPA: 2.2 Milyong Pasahero, Inaasahan sa mga Pantalan ngayong Undas

Inaasahan ng Philippine Ports Authority (PPA) na aabot sa 2.2 milyong pasahero ang daraan sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, kasabay ng paggunita ng Undas. Mas mataas ito ng 300,000 kumpara sa bilang noong nakaraang taon.

Sina PPA General Manager Jay Santiago at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ay nagsagawa ng inspeksyon sa Batangas Port upang matiyak ang kahandaan ng mga pasilidad at operasyon para sa dagsa ng mga biyahero.

“Layunin ng PPA na masiguro ang ligtas, maayos, at komportableng biyahe ng bawat pasahero ngayong Undas. Buong puso ring handa ang aming mga kawani na magbigay ng tapat at de-kalidad na serbisyo,” pahayag ni Santiago.

Sinuspinde ng PPA ang lahat ng leave ng mga empleyado upang mapanatili ang maayos na operasyon. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group para sa seguridad ng mga pasahero.

Nakahanda rin ang mga Malasakit Help Desk 24/7 sa mga pangunahing pantalan upang tumulong sa mga biyahero. Pinayuhan ng PPA ang publiko na maging mapagmatyag sa mga mapanlinlang na ticket sellers at iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.