Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na kailangang ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nagsumite ng rekomendasyon kay Marcos ang IATF na hindi na kailangang ibalik ang sapilitang pagsusuot ng face mask.
“Ang Kagawaran ng Kalusugan at iba pang miyembro ng IATF ay nakapag pasa na po ng rekomendasyon sa ating Pangulo tungkol sa hindi pagbabalik ng mga restriction katulad ng mandatory masking at pagsusuot na lamang nito sa mga at-risk nating mga kababayan at sa high-risk na sitwasyon,” aniya sa isang press briefing.
Sinabi ni Marcos Jr. nitong weekend na maaaring muling ipatupad ng gobyerno ang mandatory masking kasunod ng pagtaas ng mga impeksyon sa coronavirus.
Nilinaw pa ni Vergeire ang pagpupulong ng IATF noong nakaraang linggo, kung saan kasama ang mga tinalakay ang sa pandemic exit plan ng bansa.
Maalala na ang pagsusuot ng face mask ay naging boluntaryo sa indoor setting at outdoor setting noong Oktubre.
Pero nanatiling mandatory ang face mask sa mga healthcare facilities at public transportation.
Ayon sa DOH, nadagdagan ang Pilipinas ng 4,456 kaso mula Abril 24-30 at tumaas ng 42 porsyento ang daily average ng COVID cases sa Pilipinas o 637 araw-araw na kaso.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.