MAYNILA. Bumoto ang Senado bilang impeachment court, 18–5, pabor sa pagbabalik ng mga artikulo ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa House of Representatives, imbes na tuluyang ibasura ito.
Ang mosyon, inihain ni Senador Alan Peter Cayetano, ay naglalayong mapanatili ang integridad ng Konstitusyon at bigyang-linaw ang saklaw ng susunod na Kongreso. Nilinaw ng mosyon na ang pagbabalik ay hindi katumbas ng pagbasura o pinal na hatol.
“The effect of this is only about four days. It won’t delay the proceedings and will even help the 20th Congress,” ani Cayetano sa isang ambush interview. Iginiit niyang makakatulong ito sa susunod na Kongreso upang magpasya nang mas malinaw at lehitimo.
Tumutol sina Senador Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe at Sherwin Gatchalian. Tinuligsa ni Hontiveros ang mosyon at iginiit na tungkulin ng Senado na litisin at magdesisyon, hindi ang ibalik ang reklamo.
Ang 18 senador na bumoto pabor ay sina Alan Peter Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo at Chiz Escudero.
Suportado ni Senador Jinggoy Estrada ang pagbabalik bilang pagsunod sa proseso, habang sinabi ni Senador Tolentino na hindi dapat umabot sa bagong Kongreso ang mga aksyon ng ika-19 na Kongreso.
Nagpasalamat naman si Senador Dela Rosa matapos ang boto, at sinabi sa kanyang Facebook post, “18-5 Returned!!! Thank you, Lord! I’m not trained nor equipped for this kind of task, but I am blessed with a clean heart and a fighting spirit that won’t stop. So blessed to be guided by the Holy Spirit.”
Ayon kay Cayetano, maaari pa ring baguhin, i-refile o pagtibayin ng House ang reklamo sa susunod na Kongreso. Dagdag pa niya, magbibigay ito ng pagkakataon upang malinawan kung nilabag ba ang isang taong pagbabawal sa paulit-ulit na impeachment filings sa ilalim ng Konstitusyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo