MAYNILA. Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y modus operandi na kinasasangkutan ng mga mambabatas na siya ring contractor o kaanak ng contractor, na nagreresulta sa overpricing at substandard na paggawa ng flood control at iba pang infrastructure projects.
Sa panayam sa DZBB nitong Linggo, sinabi ni Lacson na tinatawag itong “passing through” scheme kung saan napipilitang magbayad ang contractor ng lima hanggang anim na porsyento ng halaga ng proyekto kapag ito ay isasagawa sa distrito na kontrolado ng naturang mambabatas o kaanak nito.
“Halimbawa, ang hari sa distrito ay ang congressman na contractor din o may kamag-anak na contractor. ‘Pag may contractor na papasok doon, magbabayad ng 5% passing through, parang toll. Bawas na agad sa cost ng proyekto. Alam na alam sa Department of Public Works and Highways ito,” paliwanag ni Lacson.
Dagdag niya, kapag ibinawas ang lahat ng bayarin, komisyon at buwis, minsan ay wala pang 40 porsyento ang natitirang pondo para sa aktuwal na proyekto. Ito aniya ang dahilan kung bakit may mga contractor na gumagawa ng shortcut o substandard na konstruksyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Lacson ang paggawa ng 50 metro ng dike sa halip na 150 metro ayon sa plano, pagbabaon ng sheet piles nang tatlong metro lang sa halip na anim, at hindi paghahalo ng graba at buhangin sa pundasyon. May mga insidente rin umano ng pagbagsak ng mga proyekto na nagresulta sa pagkamatay ng tao.
Ipinahayag ng senador na nais niyang makita ang listahan ng flood control projects ng DPWH na isinumite sa Malacañang at malaman kung may paparusahan sa mga mambabatas na contractor kapag may sapat na ebidensya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





