MAYNILA — Nagsimula na ang apat na araw na “confirmation of charges” hearing ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga.
Batay sa “Question and Answer” na inilathala sa website ng ICC, maaaring ihinto ng korte ang proceedings laban kay Duterte kung matutuklasan ng mga hukom ng Pre-Trial Chamber I na kulang ang ebidensiyang iniharap upang suportahan ang mga kaso.
“If the Pre-Trial Chamber finds that there is insufficient evidence to support the charges, it will stop the proceedings against Mr Duterte. The ICC judges would then give orders on the next steps in due course,” ayon sa ICC.
Bukod sa pagpapahinto ng kaso, maaari ring mag-atas ang mga hukom ng paghingi ng karagdagang ebidensiya o pag-amiyenda sa mga sakdal. Subalit kung makukumpirma ang isa man o lahat ng mga ibinibintang kay Duterte, ituturing siyang akusado at saka pa lamang sisimulan ang pormal na paglilitis sa ilalim ng isang Trial Chamber.
Nilinaw ng ICC na ang “confirmation of charges hearing” ay hindi pa ang mismong trial. Layunin nitong tukuyin kung may sapat na ebidensiya upang ituloy ang paglilitis.
Isinasagawa ang pagdinig mula Pebrero 24 hanggang 27 sa The Hague, Netherlands, kung saan susuriin kung nakapaglatag ng sapat na batayan ang mga prosecutor upang umusad ang kaso.
Uupo sa confirmation proceedings ang tatlong hukom ng Pre-Trial Chamber I na kinabibilangan nina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, Judge Reine Alapini-Gansou at Judge María del Socorro Flores Liera.
Samantala, nagdeklara ng heightened alert ang Philippine National Police kaugnay ng pagdinig sa ICC.
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr., mino-monitor ng pulisya ang mga posibleng malawakang pagtitipon upang matiyak na mapananatili ang kaayusang pampubliko.
“Our security measures are in place and it is intended to ensure the peaceful conduct of any activity in public places. Regardless of the affiliation of the groups, our personnel will be there to protect their rights and maintain peace and order,” pahayag ni Nartatez.
Iniutos din nito sa mga regional unit na mag-preposition ng Civil Disturbance Management teams at tiyaking nakaantabay ang mga medical emergency responder sakaling magkaroon ng mga rally.
“Maximum tolerance will be strictly observed, but the law will be upheld. Our personnel are instructed to remain professional and avoid any confrontation,” dagdag pa niya.
Ang resulta ng apat na araw na pagdinig ang magtatakda kung magpapatuloy sa ganap na paglilitis ang kaso laban sa dating pangulo.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






