ICC, ibinasura ang hirit na paglaya ni dating Pangulong Duterte

0
857

MAYNILA — Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingang interim release o pansamantalang paglaya ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa inilabas na desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber 1.

Batay sa resolusyon, mananatiling nakadetine si Duterte habang isinasagawa ang paglilitis laban sa kanya. Ayon sa ICC, kinakailangang ipagpatuloy ang kanyang pagkakakulong upang matiyak ang kanyang pagdalo sa mga pagdinig.

“The Chamber finds that Mr. Duterte’s detention continues to remain necessary to ensure his appearance at trial, since the latter, ‘from his initial appearance, contested his arrest and detention, qualifying it as a pure and simple kidnapping,’” ayon sa bahagi ng desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber 1.

Dagdag pa ng hukuman, “In addition, his family not only physically resisted, but also publicly voiced criticism regarding his arrest and detention, and demanded that he should be brought back to the Philippines.”

Nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng crimes against humanity dahil umano sa pagkakasangkot sa hindi bababa sa 76 na pagpatay na kaugnay ng kanyang inilunsad na “giyera laban sa droga.”

Ang unang kaso ay tumutukoy sa umano’y pagkakasangkot ni Duterte bilang co-perpetrator sa 19 na pagpatay na naganap mula 2013 hanggang 2016, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City.

Ang ikalawang kaso ay kaugnay ng 14 na pagpatay sa mga tinaguriang “High Value Targets” noong 2016 at 2017, nang siya ay nakaupong pangulo.

Samantala, ang ikatlong kaso ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 43 na pagpatay na naganap sa mga “clearance operations” laban sa mga umano’y gumagamit at nagtutulak ng droga.

Inaresto si Duterte sa Maynila noong Marso 11, 2025, at agad na inilipad sa The Hague, Netherlands, kung saan siya ngayon nakapiit sa detention unit ng ICC sa Scheveningen Prison.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.