THE HAGUE, Netherlands – Mananatili sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos tanggihan ng appeals judges noong Biyernes ang kahilingan na palayain siya dahil sa kanyang kalusugan.
Si Duterte, na ngayon ay walumpung taon na, ay nahaharap sa charges of crimes against humanity dahil sa umano’y paglahok sa maraming pagpatay bilang bahagi ng tinaguriang war on drugs noong siya ay alkalde pa ng Davao at kalaunan bilang pangulo.
Ayon kay Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza, hindi napatunayan ng mga abogado ni Duterte na ang desisyon ng lower chamber noong Oktubre ay hindi makatwiran. Hindi dumalo si Duterte sa korte noong Biyernes.
Sinabi ng depensa na balak nilang magsampa ng “reintroduce its request to release” si Duterte matapos ang resulta ng medical examination na inaasahang ilalabas sa susunod na buwan, ayon sa abogadong si Nick Kaufman.
Ipinahayag ng depensa na si Duterte ay “infirm and debilitated” at ito ay kalupitan kung pananatilihin siyang nasa kustodiya habang nagpapatuloy ang trial. Noong Setyembre, ipinagpaliban ng korte ang pretrial hearing hanggang sa makumpleto ang medical assessment. Ayon sa mga filing ng depensa, bumaba ang cognitive faculties ni Duterte sa antas na hindi na niya kayang tulungan ang kanyang mga abogado.
Noong nakaraang buwan, nagpasya ang mga judges na panatilihin siya sa kustodiya dahil posible umano siyang tumangging bumalik para sa trial at maaaring gamitin ang kanyang kalayaan upang takutin ang mga witnesses.
Ayon sa filing ng korte, iniutos at pinahintulutan ni Duterte ang “violent acts including murder to be committed against alleged criminals, including alleged drug dealers and users.” Nagsimula ang mga kaso laban sa kanya noong Nobyembre 1, 2011, nang siya ay alkalde pa ng Davao, hanggang Marso 16, 2019, nang umatras ang Pilipinas sa korte. Siya ay pangulo mula 2016 hanggang 2022.
Iba’t ibang pagtataya ang umiikot sa bilang ng mga namatay sa panahon ng kanyang termino bilang pangulo. Ayon sa National Police, mahigit 6,000 ang bilang ng patay, samantalang tinatayang umaabot hanggang 30,000 naman ang iniuulat ng mga human rights groups. Pinuri ng mga pamilya ng biktima ang pagkakaaresto kay Duterte noong Marso.
Humiling ang legal team na mailipat siya sa kustodiya ng ibang member state habang nagpapatuloy ang proceedings. Gayunpaman, sinang-ayunan ng appeals judges ang lower chamber na ang panganib na dulot ng kanyang pagpapalaya “could not be mitigated” ng hindi ibinunyag na bansa, ayon kay Judge Ibáñez.
Inanunsyo ng ICC prosecutors noong Pebrero 2018 na magsasagawa sila ng preliminary investigation sa karahasan noong panahon ni Duterte. Isang buwan matapos nito, inanunsyo ni Duterte na aalis ang Pilipinas sa ICC, na ayon sa mga human rights activists ay hakbang upang iwasan ang pananagutan.
Sa desisyon ng korte noong Oktubre, sinabi ng mga judges na hindi maaaring abusuhin ng mga bansa ang karapatang umatras sa Rome Statute sa pamamagitan ng “shielding persons from justice in relation to alleged crimes that are already under consideration.” Inapela rin ng legal team ni Duterte ang desisyong ito.
Kinilala ng kasalukuyang pamahalaan ng Pilipinas ang desisyon ng ICC. “The International Criminal Court has already made its decision and the Palace respects it,” ayon kay Communications Secretary Claire Castro.
Sinabi naman ng pamilya at mga kaalyado ni Duterte na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinisisi nila sa umano’y illegal arrest at detention ng dating pangulo sa global court.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






