ICC prosecutor tutol sa hiling na interim release ni Duterte

0
591

MAYNILA. Tinutulan ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya habang naka-detain.

Sa opisyal na tugon na inihain noong Hunyo 23, inilahad ng prosekusyon ang mga dahilan kung bakit hindi dapat payagan si Duterte sa interim release. Ayon sa kanila, mahalaga ang patuloy na pagkakakulong ng dating Pangulo upang masiguro ang kanyang pagharap sa paglilitis.

Binanggit ng ICC na si Duterte ay hindi kumikilala sa legalidad ng mga kasong isinampa laban sa kanya, kaya’t kinakailangan ang patuloy na detention. Idinagdag din na dahil sa kanyang dating posisyon sa politika, koneksyon sa ibang bansa, at kakayahang pinansyal, may posibilidad umanong siya ay tumakas sa hurisdiksyon ng korte.

Naniniwala rin ang prosekusyon na ang pagkakakulong ni Duterte ay makatutulong upang maiwasan ang anumang paghadlang o panganib sa imbestigasyon at mga proseso ng korte. Giit nila, may kakayahan si Duterte na impluwensyahan at takutin ang mga saksi sakaling siya ay palayain.

Binanggit pa ng ICC na ang katotohanang si Duterte ay muling tumakbong alkalde ng Davao City, at ang kanyang mga anak ay may mga posisyon sa pamahalaan, ay patunay na may sapat na impluwensiya ang kanyang pamilya upang makaapekto sa mga saksi.

Pinaalalahanan din ng prosekusyon ang kasaysayan ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa umano’y pakikialam sa mga imbestigasyon laban sa kanila. Kabilang dito ang umano’y pananakot kay dating Senador Leila de Lima, ang kaso ng self-confessed hitman na si Edgar Matobato, at ang mga banta ni Duterte sa mga tutol sa kanyang war on drugs noong siya pa ang Pangulo ng bansa.

Bilang tugon sa argumento ng kampo ni Duterte na hindi na siya muling gagawa ng krimen sakaling makalaya, sinipi ng prosekusyon ang kanyang pahayag sa isang news article kung saan sinabi niyang plano niyang tumakbo bilang alkalde ng Davao City at dodoblehin pa ang mga patayan.

Bagama’t kinuwestiyon ng depensa ang paggamit ng balita bilang batayan, hindi naman nila tinutulan na sinabi nga ni Duterte ang naturang pahayag, ayon sa prosekusyon.

Naghain ng opisyal na kahilingan para sa interim release ang kampo ni Duterte noong Hunyo 12. Samantala, nauna na ring ibinasura ng ICC ang petisyon ni Duterte na tanggalin ang dalawang hukom na humahawak sa usapin ng hurisdiksyon kaugnay sa kanyang kaso.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.