ICI: Flood control projects ibinibenta umano sa mga kasali sa proyekto

0
311

MAYNILA — Mahigit isang buwan matapos simulan ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project, ibinunyag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may mga proyektong “ibinibenta” at hinahati-hati umano sa mga sangkot sa pagpapatupad nito.

“The project is sold down the line. Somebody will sell the project and they select the engineer and the contractor, everybody happy,” ayon kay ICI chairperson Andres Reyes Jr. sa isang press conference matapos bisitahin ng ICI ang detention facility kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG).

Inirekomenda na ng ICI sa Office of the Ombudsman na kasuhan ng graft at malversation ang karamihan sa mga district engineer na sangkot umano sa mga iregularidad. Ayon kay Reyes, tanging mga opisyal na may Salary Grade 27 pataas lamang ang maaaring kasuhan sa Sandiganbayan, samantalang ang mga district engineer ay may Salary Grade 25.

Nang tanungin kung may mas mataas pang opisyal na maaaring ma-implicate, sinabi ni Reyes na maaga pa para tukuyin, ngunit tiniyak niyang ang lahat ng kaso ay ibabatay sa ebidensya.

“We will make sure that our evidence is based on assessment. We will observe due process. We will prosecute and not persecute,” aniya.

Nilinaw naman ni ICI Commissioner at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson na hindi tungkulin ng ICI ang magpakulong ng mga opisyal, kundi ang tuklasin lamang ang mga katotohanan sa likod ng mga proyekto.

“I know that our people, the taxpayers are very agitated kasi gusto nila may makulong agad. Sana maintindihan ng ating mga kababayan na ang ICI ang hindi siya nagpapakulong,” paliwanag ni Singson bilang tugon sa panawagan ng publiko na agad arestuhin ang mga sangkot.

Dagdag pa niya, maaaring hindi sapat ang detention facility na may 108-cell capacity ngunit kayang tumanggap ng hanggang 1,000 detainees, sakaling dumami ang mga makasuhan.

Sa ngayon, iniimbestigahan ng ICI ang nasa 421 umano’y ghost flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.