Idiniklara ng ICC na “fit to take part” si Duterte sa pre-trial proceedings sa kaso ng crimes against humanity

0
262

MAYNILA — Ipinahayag ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber 1 na “fit to take part” si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pre-trial proceedings kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya dahil sa mga pinatay na iniuugnay sa kanyang kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.

Sa isang 25-page decision, tinanggihan din ng ICC ang hiling ng kampo ni Duterte para sa indefinite adjournment ng mga pagdinig.

“Read holistically, and in light of the cognitive abilities that Professor [REDACTED] is of the opinion that Mr. Duterte possesses, the Chamber is satisfied that Mr. Duterte does have the ability to understand the charges against him and is able to effectively exercise his procedural rights,” pahayag ng Chamber.

Itinakda ng hukuman ang pagsisimula ng confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.

Noong Agosto 2025, humiling ang kampo ni Duterte ng indefinite adjournment, iginiit na siya ay “not fit to stand trial as a result of cognitive impairment.” Ang pagdinig ay orihinal na nakatakda noong Setyembre 23.

Humiling din ang panig ng dating pangulo ng isang pagsusuri sa kanyang fitness for trial sa pamamagitan ng isang panel ng mga independent expert. Ayon sa ICC, ang tatlong miyembrong panel ay binubuo ng isang eksperto sa forensic psychiatry, isang eksperto sa geriatric and behavioural neurology na may karanasan sa pagsusuri ng fitness for trial ng mga nakatatanda, at isang eksperto sa neuropsychology.

Sinabi ng Chamber na personal na ininterbyu, sinuri, at in-assess ng bawat eksperto si Duterte. Isinaalang-alang din ang kanyang personal at medical history, nagsagawa ng mental state at physical examinations, at nagpatupad ng cognitive testing.

Ayon sa hukuman, malinaw sa dalawang eksperto na may sapat na mental capacity si Duterte upang maunawaan ang mga charges, ang ebidensiya, ang proseso, at ang layunin ng kanyang pre-trial proceedings. Nilinaw ng Chamber na hindi kinakailangang nasa “highest level” ang mga kakayahan ng isang akusado; ang kailangan lamang ay isang “broad understanding” ng mga nagaganap.

“Having regard to the relevant legal principles, and to the medical assessment of the independent experts… the Chamber is satisfied, in law, that Mr. Duterte is able effectively to exercise his procedural rights and is therefore fit to take part in the pre-trial proceedings,” saad ng desisyon.

Tinukoy rin ng Chamber na malinaw ang konklusyon ng isang eksperto na walang dahilan upang sabihing kulang si Duterte sa functional mental capacity upang maunawaan ang mga charges. Dagdag pa, “Professor [REDACTED] and Professor [REDACTED] are unambiguous that Mr. Duterte has the mental capacities to understand the charges, the evidence and the conduct, purpose and possible consequences of the pre-trial proceedings, and to instruct Counsel for the preparation of his defence at the pre-trial stage.”

Tinanggihan din ng ICC ang argumento ng kampo ni Duterte na hindi maaaring maging dispositive ang ulat ng panel dahil umano sa magkakaibang opinyon ng mga eksperto. Ayon sa hukuman, ang fitness to stand trial ay hindi nakabatay sa pagkakaroon ng medical condition, kundi sa kakayahan ng akusado na epektibong maipagpatuloy at magamit ang kanyang mga karapatan.

Pinuna rin ng Chamber ang pagsusumite ng Defence na umano’y inilalabas sa konteksto ang mga natuklasan ng panel at ginagamit ang ilang resulta ng mga test upang igiit na may malubhang kapansanan sa memorya si Duterte. Giit ng hukuman, bagama’t may pagkakaiba ng pananaw ang mga eksperto sa ilang aspeto, nagkakaisa sila sa konklusyon na may sapat na kakayahan ang dating pangulo upang makabuluhang magamit ang kanyang procedural and fair trial rights.

Hindi rin pinagbigyan ng ICC ang kahilingan ng legal team ni Duterte na magdaos ng hiwalay na pagdinig kasama ang mga medical expert, sinabing hindi na kinakailangan pang linawin ang mga konklusyon at metodolohiyang ginamit. Ayon sa desisyon, ang prosesong isinagawa ng Chamber ay “abundantly fair” at kailangan ding magpatuloy ang kaso nang may angkop na bilis alinsunod sa pamantayan ng katarungan.

Inaasahang maglalabas ang ICC ng hiwalay na utos na magtatakda ng iskedyul at mga direksyon para sa confirmation of charges hearing, kabilang ang mga hakbang na inirerekomenda ng mga medical report para kay Duterte.

Ang desisyon ay nilagdaan nina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc at mga Hukom Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera.

Samantala, tinanggap ng Duterte Panagutin Network Europe ang desisyon ng ICC bilang isang “significant step forward” tungo sa pananagutan. Ayon kay Icai Enriquez, convenor ng grupo, ang pagtatakda ng pagdinig sa Pebrero 23 ay malinaw na mensahe na ang katarungan ay hindi maaaring ipagpaliban nang walang hanggan.

Dagdag ni Enriquez, patuloy ang kanilang inaasahang “continued engagement” sa pamamagitan ng mga solidarity action, public events, information sessions, at peaceful assemblies upang palakasin ang boses ng mga biktima at labanan ang disinformation, habang pinatitibay ang suporta para sa international justice at accountability.

Ayon sa ICC Prosecutor, kinasuhan si Duterte ng 49 insidente ng murder at attempted murder sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang Pangulo ng Pilipinas, bagama’t iginiit na “significantly greater” ang aktuwal na lawak ng mga biktima sa nasabing panahon.

Batay sa government records, humigit-kumulang 6,200 drug suspects ang napatay sa mga anti-drug operations ng administrasyong Duterte. Ayon naman sa mga human rights organization, maaaring umabot sa 30,000 ang bilang kapag isinama ang mga hindi naiulat na kaugnay na pagpatay.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.