Iginiit ni Marcoleta na na-misinterpret ang kanyang pahayag ukol sa Kalayaan Islands

0
195

MAYNILA — Iginiit ni Senador Rodante Marcoleta na nagkaroon lamang ng maling pagkaintindi sa kanyang pahayag hinggil sa Kalayaan Island Group (KIG) at Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, matapos itong maging sentro ng diskusyon at pagkondena sa pambansang diskurso.

Ayon kay Marcoleta, ang paggamit niya ng terminong “give up” ay tumutukoy lamang sa pagmamapa o koordinasyon sa lugar at hindi nangangahulugan ng pagsuko o pag-surrender ng teritoryo ng bansa. “Atin yun eh. Ngayon, kung hindi natin igi-give up, hindi po nyo maido-drawing,” wika ng senador. 

Pinabulaanan niya rin ang mga akusasyon na siya ay traydor, at iginiit na layunin niya lamang na palakasin at lagyan ng legal na basehan ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Samantala, nag-react ang mga residente ng Kalayaan Island Group, at nagplano na silang magsampa ng resolusyon sa Sangguniang Pambayan ng Kalayaan upang tanggalin ang pahayag ni Marcoleta sa talaan ng Senado. Ayon kay Vice Mayor MP Albayda, “We were offended… ano’ng silbi ng bayan namin?”

Ang Kalayaan Island Group (KIG) ay bahagi ng mas malawak na arkipelago na kilala internasyonal bilang Spratly Islands sa West Philippine Sea (na bahagi ng South China Sea). Ito ay binubuo ng mga islet, sandbars, at mga reef at may total na nasasakupang 64,976 square miles ng dagat ngunit may maliit na lupaing sakop na humigit-kumulang 88.44 hectares lamang. Kabilang sa mga pangunahing isla ang Pag-asa Island, ang pinakamalaki at sentro ng lokal na pamahalaan kasama ang Lawak, Patag, Likas, Kota, Panata, at Parola Islands pati na ang mga reef tulad ng Ayungin at Rizal Reef. 

Bagaman malayo sa pangunahing pulo ng Luzon at Palawan, may mga Pilipinong nakatira sa Pag-asa Island, at patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang presensya ng bansa doon, kabilang na ang mga proyekto para sa imprastruktura at pagpapalawak ng komunidad. 

Matagal nang iginiit ng Pilipinas ang soberanya nito sa Kalayaan Island Group (KIG) sa ilalim ng mga batas pambansa at internasyonal, kabilang ang Republic Act 9522 o Philippine Baselines Law at ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nagbigay-linaw sa maritime entitlements sa West Philippine Sea. Kabilang sa mga bansang may magkakapatong na pag-angkin sa kabuuan o bahagi ng Spratly Islands kung saan kabilang ang KIG ang China, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan, bukod sa Pilipinas, na patuloy na iginigiit ang legal at historical nitong batayan sa nasabing teritoryo.

Kasunod ng kontrobersiya, muling idineklara ng Malacañang na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagtatanggol sa lahat ng sakop ng teritoryo nito sa West Philippine Sea at Kalayaan Island Group, at hindi susukuan ang kahit anong bahagi nito. 

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.