Ika-apat na impeachment laban kay VP Sara Duterte inaasahang ihahain

0
77

MAYNILA. Inaasahang ihahain ang ika-apat na reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa ikalawang linggo ng Enero 2025, kasabay ng pagbabalik-sesyon ng Kongreso matapos ang kapaskuhan.

Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang tatlong naunang reklamo ng impeachment laban kay VP Sara ay hindi pa naisasumite sa House Committee on Justice. Dagdag pa niya, maaaring hinihintay ni House Secretary General Reginald Velasco ang ika-apat na reklamo bago ito isumite. “Sa ngayon, patuloy ang review ng House Legal Department sa mga reklamo upang matukoy ang merito ng mga ito,” ani Castro.

Reklamo sa Pondo

Ang naturang impeachment ay kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng panunungkulan ni VP Sara. Umaabot ito sa P612.5 milyon mula huling bahagi ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.

Ang Kongreso ay nakatakdang magbalik sesyon sa Enero 14, kung kailan maaring ihain ang ika-apat na impeachment. Ayon sa Saligang Batas, kailangang isumite ng House Secretary General ang anumang reklamong impeachment sa opisina ng Speaker ng Kamara sa loob ng 10 araw ng sesyon matapos itong matanggap. Dapat din itong maisama sa “Order of Business” ng Kamara. May tatlong araw ng sesyon naman ang House Committee on Justice upang repasuhin ang reklamo at tukuyin kung may sapat na basehan para umusad ito.

Pagtutulak ng Impeachment

Sinabi ni Castro na, sa kabila ng nalalapit na midterm election, may sapat na oras pa upang maisulong ang impeachment laban kay VP Sara. “May ilang miyembro ng Minorya ang sumusuporta sa signature drive na inilunsad ng Makabayan coalition,” dagdag niya. Ang signature drive na ito ay naglalayong makalikom ng 1/3 boto o 106 miyembro ng Kamara upang mapabilis ang proseso ng impeachment.

Kontrobersya sa Pinekeng Resibo

Magugunitang nalagay sa kontrobersya si VP Sara dahil sa mga isinumiteng pinekeng resibo sa Commission on Audit (COA) para bigyang katwiran ang paggamit ng confidential funds. Isa sa mga na-highlight dito ang resibong nakapangalan kay “Mary Grace Piattos,” na napatunayang walang rekord sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Patuloy na binabantayan ng publiko ang magiging aksyon ng Kamara sa reklamo laban kay VP Sara, na isa sa mga pinakamalaking usaping politikal sa bansa sa kasalukuyan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.