Ilang Bahagi ng EDSA, isasara sa mga motorista para sa selebrasyon ng People Power anniversary

0
152

Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta dahil gagamitin ang ilang lanes sa EDSA para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng People Power Revolution ngayong araw ng Linggo.

Sa isang panayam, inihayag ng MMDA na magtatalaga sila ng zipper lane simula hatinggabi sa kahabaan ng People Power monument kung saan may aktibidad na nakatakdang isagawa.

“Mamayang 12:00 midnight, magsi-zipper lane na kami sa People Power Monument kasi magse-setup na dun, kasi magkakaroon ng parang mini-concert,” pahayag ni MMDA Traffic Enforcement group director Atty. Victor Nuñez.

“Dun sa may White Plains palabas going to EDSA, sa Sunday, dun ang activity,” dagdag niya.

Nauna dito, sinabi ng Philippine National Police noon na halos 8,500 pulis ang ipakakalat upang magbantay ng seguridad para sa inaasahang kilos-protesta sa National Capital Region at Cebu sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Sa Maynila, kasado ang kilos-protesta malapit sa EDSA Shrine sa February 25, alas-3 ng hapon, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Samantala, hiniling naman ng MMDA sa organizers na isang lane lamang ang gamitin para sa mga aktibidad.

“Sa mga grupong magma-martsa, umaapela kami sana na isang lane lang ang sakupin,” ani Nuñez.

Ngayong 2024 ay gugunitain ang ika-38 anibersaryo ng mapayapang protesta na tumapos sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at nagluklok kay Corazon Aquino bilang presidente.

“Sa Linggo, full force kami dahil may laro rin ang Gilas Pilipinas sa PhilSports Arena sa Pasig City kasabay ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution… Full force kami this weekend, this Sabado and Linggo,” sabi ni Nuñez.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo