Imbestigasyon sa ‘payola’ sa LTO, iniutos ng DOTr

0
245

MAYNILA – Inatasan ng Department of Transportation ang Land Transportation Office na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa mga alegasyong may nagaganap na payola sa loob ng ahensiya.

Inilabas ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang utos bilang tugon sa planong tatlong araw na nationwide transport strike ng grupong Manibela mula Disyembre 9 hanggang 11.

Ayon kay Lopez, hindi pa sila nagkakaroon ng direktang pag uusap ni Manibela President Mar Valbuena, ngunit nakapagpulong na ito kay Assistant Secretary Markus Lacanilao. Iginiit ng grupo na mabagal ang proseso ng registration at may kasamang alegasyon ng payola.

Sinabi ni Lopez na inatasan na niya si Lacanilao na tugunan ang reklamo at magsumite ng rekomendasyon kaugnay ng isyu. Inaasahan niyang maibibigay ang ulat sa Martes.

Binigyang diin ni Lopez na dapat unahin ang pagbusisi sa mga kawani na may kaugnayan sa naturang alegasyon at agad tanggalin ang sinumang mapatutunayang sangkot.

“Tuesday, aasahan ko ang kanyang mga rekomendasyon. Sabi ko, iprayoridad ang mga kawani na may alegasyon na ganito. Kung may ebidensiya, tanggalin agad,” sabi niya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.