Imbestigasyon sa ‘signature-buying’ at pondo ng gobyerno, ikinakasa ng Makabayan bloc para sa cha-cha

0
5429

Inihain ng Makabayan bloc ang isang resolusyon upang imbestigahan ang diumano ay “signature-buying” at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa People’s Initiative na layong amyendahan ang 1987 Konstitusyon.

Sa pamamagitan ng House Resolution 1541, hiniling nina House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Kabataan Rep. Raoul Manuel, at Gabriela Rep. Arlene Brosas na pangunahan ng House Committee on Public Accounts ang ikinasang imbestigasyon.

Ayon kay Castro, kumakalat na mga ulat hinggil sa paggamit ng pandaraya sa pagpapapirma para sa pekeng People’s Initiative para sa Charter Change. Ang ulat ay naglalaman ng mga akusasyon ng “vote buying,” kung saan pinaniniwalaang magkakasabay na iboboto ito ng Kongreso at Senado upang amyendahan ang Konstitusyon.

Sa resolusyon, iginiit ng mga mambabatas na hindi lamang ito labag sa Konstitusyon, kundi ito rin ay hindi moral na gugulan ang pondo mula sa social protection program at iba pang pondo ng gobyerno upang suhulan ang publiko na pumirma sa panukalang pagbabago sa Konstitusyon.

Isa rin sa binanggit sa resolusyon ang pro-charter change na paid advertisement na tinatawag na “Edsa-pwera,” na ipinalabas sa telebisyon.

Naalala rin sa resolusyon ang pahayag ni Sen. Imee Marcos hinggil sa aniya ay pagbibigay ng ₱20 milyon bawat distrito sa ilang lalawigan para sa “signature buying.”

Sa pangunguna ng House Committee on Public Accounts, umaasa ang Makabayan bloc na magiging makatarungan at malayang maisasagawa ang imbestigasyon upang mabunyag ang anumang katiwalian sa likod ng isinusulong na People’s Initiative para sa Charter Change.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.