Imbestigasyon sa sunog sa DPWH-QC iniutos; walang flood control files na nadamay

0
353

QUEZON CITY – Inatasan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na makipagtulungan sa mga awtoridad upang alamin ang sanhi ng sunog na tumupok sa opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City noong Miyerkules, Oktubre 22.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, agad nang ipinag-utos ni Remulla ang koordinasyon ng NBI at Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy kung may arson sa insidente.

Nangyari ang sunog habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project ng DPWH.

Isang araw bago ang insidente, sinabi ni Remulla na dapat ibalik ng mga akusado sa mga kasong may kinalaman sa ghost at substandard flood control projects ang buong halagang ninakaw nila kung nais nilang makipag-plea bargain o humingi ng mas magaan na parusa. “Puwede mag-plea bargain basta may full restitution,” aniya.

Walang flood control files na nadamay sa sunog – ICI

Tiniyak naman ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na walang dokumentong may kinalaman sa flood control projects ang nadamay sa nasabing sunog.

“As per record now, the burning in Quezon City does not involve flood control projects,” ayon kay ICI chairman Andres Reyes Jr. sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights kaugnay ng panukalang Senate Bill No. 1215 na naglalayong likhain ang Independent People’s Commission (IPC).

Dagdag pa ni Reyes, kailangang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng rekord ng Commission on Audit (COA) dahil may posibilidad na sadyang sinusunog ng mga sangkot ang ilang opisina upang maitago ang ebidensya.

Kinumpirma rin ng DPWH na walang dokumentong konektado sa imbestigasyon ng mga anomalya sa flood control ang naapektuhan.

Ang sunog ay nagsimula sa Bureau of Research and Standards (BRS) building ng DPWH sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City, at umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula bandang 1:34 ng hapon.

Ayon sa DPWH, ang BRS office ay responsable sa pagsasagawa ng mga pananaliksik, pag-aaral, pilot testing, at pagbuo ng mga polisiya para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.