Iminungkahi ng DepEd ang trimester school calendar para sa SY 2026–2027

0
958

MAYNILA — Inihayag ng Department of Education (DepEd) ang panukalang pagbabago sa school calendar sa pamamagitan ng pagpapatupad ng trimester system simula sa School Year 2026–2027, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapahusay ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto sa mga paaralan.

Sa ilalim ng iminungkahing sistema, hahatiin ang kabuuang 201 school days sa tatlong termino: ang unang trimester mula Hunyo hanggang Setyembre, ikalawa mula Setyembre hanggang Disyembre, at ikatlo mula Enero hanggang Marso. Ang bawat termino ay magkakaroon ng instructional block na may humigit-kumulang 54 hanggang 61 araw para sa tuloy-tuloy na pag-aaral, kasunod ang enrichment block na nakatuon sa remediation, grading, paghahanda ng mga school forms, at wellness break para sa mga guro at mag-aaral.

Magkakaroon din ng espesyal na opening block sa unang termino para sa mga aktibidad kaugnay ng pagbubukas ng school year.

Ayon kay Sonny Angara, layunin ng reporma na magkaroon ng mas maayos na pacing ng mga aralin, mas mahahabang uninterrupted learning periods, at mas mababang administrative workload para sa mga guro, habang pinananatili ang mataas na kalidad ng edukasyon.

Bahagi rin ng panukala ang integrasyon ng national at cultural observances sa loob ng mga aralin sa halip na hiwalay na mga programa, upang hindi maantala ang regular na pagtuturo sa loob ng klase.

Inaasahan namang maglalabas ang DepEd ng pormal na policy guidelines matapos ang serye ng konsultasyon sa mga guro, school leaders, at iba pang education stakeholders bago tuluyang ipatupad ang bagong school calendar.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.