Impostor na pulis, arestado sa extortion

0
293

SILANG, Cavite. Dinakip ng mga awtoridad ang isang lalaking nagpapanggap na pulis matapos maaktuhan na nagongotong sa mga negosyante sa Barangay Biga 2, bayang ito.

Ayon sa pahayag ng Silang Cavite Police Station, nakasuot pa ng PNP uniform ang suspek na si Jonaldo Penamayor nang siya ay arestuhin sa aktong kinakausap ang ilang may-ari ng tindahan sa nasabing lugar.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon, isang nagpakilalang Romeo Macapinlac, 44 taong gulang na negosyante ang humingi ng tulong sa pulisya matapos siyang takdaan ni Penamayor ng buwanang protection money para sa diumano ay pangangalaga nito sa motor pool ng biktima kung saan ay nakalagak ang mga heavy equipment na ginagamit sa malalaking construction projects.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis at natiyempuhan nila si Penamayor habang may ibang negosyante itong kinakausap. Nang komprontahin ng mga awtoridad ang suspek at hingan ito ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na siya ay isang alagad ng batas, siya ay inaresto dahil wala itong maipakitang lisensya o anumang dokumento.

Bukod sa suot nitong uniporme ng pulis, nakumpiska rin sa suspek ang isang baril, PNP identification card, at badge na pawang mga peke.

Kakasuhan si Penamayor ng Usurpation of Authority at paglabag sa R.A. 10591 o ang illegal possession of firearms.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.