Ina, anak at pamangkin natagpuang patay sa kanilang apartment sa Rizal

0
847

Cainta, Rizal. Isang babae, anak nitong babae at pitong taong gulang na pamangkin ang natagpuang patay na sa loob ng inuupahang apartment sa Barangay San Juan, Cainta, Rizal.

Ayon kay Lt. Col. Orlando Carag, hepe ng Cainta Municipal Police Station, ang mga bangkay ni Angelica Manaloto, 24, anak nitong si Nica Mangi, 4, at isang pamangkin na si Renz Orly Trinidad, 7, ay natuklasan ng isang Erickson Manaloto, 26, kapatid ni Angelica , at ng kanilang mga kapitbahay sa loob ng studio type apartment sa Rizal St, San Francisco, noong Miyerkules ng umaga.

Sinabi ni Erickson, isang saksi, sa imbestigador na dumating siya sa apartment ng Manaloto at sumigaw sa harap ng gate upang tawagan ang atensyon ng kanyang mga pamangkin.

Idinagdag pa ng saksi na sarado ang main entrance ng gusali habang siya ay patuloy na sumisigaw at tinatawag ang ang kanyang pamangkin ngunit walang sumasagot mula sa mga nakatira kahit ang pinto ng apartment ay bukas.

Humingi ng tulong ang saksi sa kapitbahay ng biktima na agad namang nirespondehan at binuksan ang main gate at madiskubre ang wala nang buhay na katawan ng mga biktima.

Sinabi ni Carag na hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng crime lab upang alamin ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, sinusuri nila ngayon ang mga video footage ng CCTV camera na naka-install mula sa iba’t ibang lugar malapit sa crime site.

Sinabi ni Carag na isang tao ang ikinokonsidera bilang person of interest sa pagpatay sa mga biktima.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen at posibleng matukoy ang salarin, ayon kay Carag.

“Yung mga biktima ay natagpuang patay sa higaan na puno ng dugo sa paligid. Hindi pa natin alam kung nagtamo ng saksak ang mga biktima dahil walang narekober na bala sa crime site,” ayon kay Carag.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.