HAGONOY, Bulacan. Dinukot ng tatlong suspek ang 13-anyos na estudyante, kabilang ang kanyang ina, at humingi ng P3 milyong ransom bilang kapalit ng kalayaan ng biktima sa Plaridel, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Sa loob lamang ng 24-oras, nasagip ang Grade 7 student na dinukot sa Hagonoy, Bulacan, habang naaresto ng pulisya ang tatlong suspek na kinilalang sina Maryrose Medina, 42, alyas “Elmarie”, ina ng binatilyong biktima, Eleonor Bolosco ng Brgy. Menzyland, at Adrian Cortez, security guard ng Brgy. Mojon, Malolos City, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon at salaysay ng amang negosyante na hindi pinangalanan, umalis ang kanyang anak at nagpunta sa kanyang kaklase bandang alas-3:00 ng hapon nitong Abril 4. Ayon sa ama, hindi na bumalik ang anak at isang hindi nagpakilalang indibiduwal ang tumawag sa kanyang telepono at nanghihingi ng P3 milyon bilang ransom para pakawalan ang biktima.
Matapos makatanggap ng tawag ang ama ng biktima mula sa hinihinalang kidnapper, agad siyang dumulog at humingi ng saklolo sa Hagonoy Municipal Police Station. Napag alaman na naibaba naman sa P550,000 ang ransom matapos na magkatawaran.
Kasunod nito, bandang alas-10:40 ng gabi nitong Abril 5, nagsagawa ng operasyon ang Provincial Intelligence Unit ng Bulacan sa pangunguna ni PLt. Col. Jesus Manalo, Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit, at Hagonoy Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Aldrin Thompson para sa rescue operations.
Matapos maibigay ang P550,000 ransom, agad sinundo ng kanilang family driver ang biktima sa isang fast food chain sa bayan ng Plaridel kasabay ng pagkakaaresto sa mga suspek. Narekober ng mga awtoridad sa operasyon ang P550,000 ransom money at black Chevrolet SLX na ginamit ng mga suspek.
Sinasabing puwersahang ginamit ang biktima ng kanyang ina, katuwang ang dalawang kasabwat, at palabasin na dinukot para ipatubos at makapaghiganti umano ito sa kanyang negosyanteng mister.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.