Inagurasyon ni Marcos nakatakdang idaos sa National Museum sa Hunyo 30

0
326

Pinili ng kampo ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang National Museum of the Philippines sa Maynila bilang venue para sa kanyang inagurasyon bilang ika-17 chief executive ng bansa sa Hunyo 30.

Ang Pambansang Museo, pagkatapos na siyasatin ng  inaugural committee ni Marcos, ay nakitang “angkop” na lugar para sa panunumpa ni Marcos, ayon kay Presidential Management Staff (PMS) secretary-designate Zenaida “Naida” Angping.

Sinabi ni Angping na ang mga paghahanda ay isinasagawa na upang matiyak ang maayos na inagurasyon ni Marcos.

“Ang National Museum of (the) Philippines building at ang mga nakapaligid na lugar nito ay tumutugma sa aming mga pangangalangan para sa inagurasyon ni President-elect Marcos. Puspusan na ang preparasyon para matiyak na ito ay handa na,” ayon sa kanya sa isang press statement.

Ang Pambansang Museo, na dating kilala bilang Old Legislative Building, ay nagsilbing venue para sa inagurasyon ng mga dating pangulong Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).

Isa ito sa tatlong makasaysayang mga lugar na naunang itinuturing ng kampo ni Marcos bilang posibleng mga lugar ng pagpapasinaya.

Ang dalawa pa ay ang Quirino Grandstand at Fort Santiago.

Ang Quirino Grandstand ay kung saan idinaos ng ama at kapangalan ni Marcos, ang yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang kanyang inagurasyon bilang ika-10 pangulo ng bansa noong 1965.

Sinabi ni Angping na hindi napili ang Quirino Grandstand bilang venue para sa inagurasyon ni Marcos dahil napansin ng ocular inspection team na napaliligiran ito ng ilang field hospitals na tumulong sa mga indibidwal na infected ng Covid-19. (PNA)

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo