Inaprubahan ni PBBM ang boluntaryong paggamit ng mga face mask sa labas

0
415

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang executive order (EO) na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga outdoor setting, partikular sa mga open space at hindi mataong outdoor area na may magandang bentilasyon.

“Naglabas po tayo today ng Executive Order No. 3 allowing voluntary wearing of face masks in outdoor settings and reiterating the continued implementation of minimum public health standards during the state of public health emergency relating to the Covid-19 pandemic,” ayon sa anunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang press briefing sa Palasyo.

Ang EO, na nilagdaan ng Pangulo noong Lunes, ay magkakabisa kaagad, ayon sa kanya.

Sa ilalim ng EO, ang mga hindi pa nakakakumpleto ng kanilang pangunahing serye ng pagbabakuna sa Covid-19, mga senior citizen, at mga immunocompromised na tao ay “highly encouraged” pa rin na gumamit ng face masks.

Sinabi ni Cruz-Angeles na ang physical distancing at iba pang minimum public health standards (MPHS) ay patuloy ding mahigpit na ipatutupad.

Sa EO ay kailangan pa ring magsuot ng face mask sa indoor, private o public establishments, kabilang sa pampublikong transportasyong pandagat, panlupa at panghimpapawid at sa mga panlabas na setting kung saan hindi mapanatili ang physical distancing.

Inaatasan din ng EO ang Department of Health (DOH) na i-update ang mga alituntunin ng MPHS, dagdag pa ni Cruz-Angeles.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo