Inaprubahan ni Marcos ang P7,000 gratuity pay para sa COS at JO workers sa gobyerno

0
460

MAYNILA – Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng one time gratuity pay na P7,000 para sa mga contract of service at job order workers sa pamahalaan.

Ayon sa Administrative Order No. 39 na nilagdaan noong Disyembre 11, 2025, ang gratuity pay ay para sa mga COS at JO workers na nakapagsilbi ng kabuuang hindi bababa sa apat na buwan hanggang Disyembre 15 at may umiiral pang kontrata hanggang sa nasabing petsa.

Ayon sa kautusan, ang pagbibigay ng year end gratuity pay ay pagkilala sa mahalagang ambag ng mga COS at JO workers sa pagpapatupad ng mga programa, aktibidad at proyekto ng gobyerno at sa paghahatid ng serbisyo publiko sa gitna ng kasalukuyang socio economic challenges.

Bagaman at tumatanggap ang COS at JO workers ng sahod na katumbas ng mga kawani sa pareho ding posisyon sa gobyerno, hindi sila saklaw ng mga benepisyong tinatamasa ng mga regular na empleyado gaya ng mid year at year end bonuses, performance based bonus at personnel economic relief allowance.

Maaari pa ring makatanggap ng gratuity pay ang mga empleyadong nakapagsilbi ng mas mababa sa apat na buwan, batay sa pro rata na batayan.

Ang mga may tatlo hanggang mas mababa sa apat na buwang serbisyo ay maaaring makatanggap ng hanggang P6,000. Ang mga may dalawang hanggang mas mababa sa tatlong buwan ay hanggang P5,000, habang ang mga may mas mababa sa dalawang buwang serbisyo ay hanggang P4,000.

Saklaw ng kautusan ang mga COS at JO workers sa national government agencies, state universities and colleges, government owned or controlled corporations at local water districts.

Ang gratuity pay ay dapat ilabas mula sa Disyembre 15.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.