Inarchive ng Senado ang impeachment case laban kay VP Sara

0
410

MAYNILA. Inaprubahan ng Senado ang pag-archive ng Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagsabing labag sa Konstitusyon ang prosesong sinimulan ng Mababang Kapulungan.

Sa botong 19 pabor, 4 ang tumutol, at 1 ang nag-abstain, iniutos ng Senado na i-archive ang reklamo. Ang hakbang na ito ay nangangahulugang hindi na ito gagalawin o didinggin pa, maliban na lang kung may panibagong kautusan o legal na proseso.

Kabilang sa mga bumoto ng pabor sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ronald “Bato” Dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Lito Lapid, Loren Legarda, Rodante Marcoleta, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Camille Villar, Mark Villar, at Juan Miguel Zubiri.

Tumutol naman sina Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III. Nag-abstain si Senador Panfilo “Ping” Lacson.

Ang pag-archive ay resulta ng mosyon ni Senador Rodante Marcoleta, na inamyendahan upang umayon sa desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 25. Ayon sa korte, ang reklamong impeachment ay “null and void ab initio” at wala umano itong legal na batayan.

Nanindigan si Senate Minority Leader Sotto na dapat hintayin muna ang resulta ng nakabinbing motion for reconsideration sa Supreme Court. “Mas mainam na hintayin ang resulta kaysa basta ito’y i-archive. I vote yes. May God have mercy on your decision,” aniya.

Ipinahayag ni Senate President Escudero na ang desisyon ng Senado ay pagpili sa Konstitusyon at batas. Pinuna rin niya ang Kamara at sinabing, “Huwag hayaang gamitin kayo ng bulag na galit at ambisyon ng iilan.”

Nilinaw ni Senador Zubiri na maaaring ibalik sa plenaryo ang reklamo kung may legal na batayan sa hinaharap. “That will never stop us from being able to pull out the document from the archives,” ani Zubiri.

Para kay Senador Dela Rosa, ang pagsunod sa Korte Suprema ay hindi dahil ito ang madali kundi dahil ito ang tama. Giit naman ni Senador Estrada, “Walang sinuman ang mas mataas sa batas… Ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas ng bayan.”

Ipinaliwanag ni Senador Lacson ang kanyang pag-abstain, dahil sa nakabinbing motion for reconsideration sa korte. “Mas pipiliin kong maghintay at huwag pangunahan ang pinal na desisyon ng Korte Suprema,” aniya.

Mariing tumutol si Senadora Risa Hontiveros at binalaan ang Senado na, “Tayo ang pumatay sa Articles of Impeachment.” Aniya, mahalaga ang impeachment bilang mekanismo ng pananagutan.

Bumoto rin ng pabor si Senadora Loren Legarda, subalit giit niyang ginawa niya ito “nang walang pagkiling” habang hinihintay ang pinal na pasya ng Korte Suprema.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo