INC Rally sa Luneta nanawagan ng konkretong aksyon vs corruption, hindi pagpapabagsak sa pamahalaan

0
372

MAYNILA – Iginiit ng Iglesia Ni Cristo o INC nitong Linggo na ang kanilang tatlong araw na pagtitipon sa Luneta ay panawagan para sa malinaw at konkretong aksyon laban sa korapsyon, lalo na kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood control project, at hindi para pabagsakin ang pamahalaan.

Ayon kay Bienvenido Santiago Jr., INC general evangelist, nakatuon ang kilos protesta sa mga tiwaling opisyal at hindi laban sa mismong institusyon ng pamahalaan.

“Gusto naming maging maliwanag sa lahat, hindi po natin hinahangad ang pagbagsak ng ating pamahalaan bilang institusyon… Ang nais natin ay ang pagbagsak ng katiwalian. Ang nais natin ay ang pagtataguyod ng isang pamahalaang tapat at makamamamayan,” pahayag niya sa harap ng tinatayang 650,000 kataong dumagsa sa Quirino Grandstand.

Naka puting T shirt ang mga dumalo na may nakasulat na “Transparency For A Better Democracy” habang ang likod ay may mga salitang “Transparency” at “Accountability”. Paulit ulit ding sumigaw ang mga grupo ng “Hustisya”, “Ilantad”, at “Panagutin”.

Binigyang diin ni Santiago na ang dapat mawala ay ang mga tiwaling pinuno, hindi ang pamahalaang nagbibigay proteksyon sa kalayaan ng mamamayan.

“Yung masasamang pinuno, yung mga tiwaling opisyal, ayan ang dapat alisin… hindi po yung pamahalaang gumagarantiya sa kalayaan ng mga mamamayan. Kaya mga kababayan, malinaw ang ating pinaninindigan,” aniya.

Idinagdag niya na ang INC ay nananawagan ng pananagutan at hindi para manira o maghasik ng kaguluhan.

“Hindi tayo laban sa maayos na pamahalaan, tayo ay laban sa katiwalian… Hangga’t hindi natutunton at hindi napapanagot ang mga mastermind sa korapsyon, itutuloy ang ating pagmamatsyag at pananawagan sa mapayapang paraan,” sabi ni Santiago.

Hinimok din ng grupo ang pamahalaan na magpatupad ng tunay at kongkretong hakbang laban sa katiwalian.

“Nanawagan tayo sa mga nasa pamahalaan… Ayaw na natin ng mga salita at pangakong walang laman. Konkretong hakbang ang kailangan para ibangon ang dangal ng ating mahal na bansa,” dagdag niya, sabay babala na mas sisidhi ang epekto sa ekonomiya at sa mga pamilya kung mananatili ang kakulangan sa transparency at accountability.

Samantala, binatikos ni INC spokesperson Edwin Zabala ang umano’y “cover up” sa imbestigasyon ng korapsyon.

“Mga kababayan, saan kayo nakakita na ‘yung tumutulong sa imbestigasyon para mapalitaw ang puno’t dulo ng katakot takot na nakawan sa gobyerno ang siya pang sinisiraan,” aniya, at sinabing tila bahagi ito ng isang koordinadong pag atake.

Bukás ang kilos protesta para sa mga miyembro at hindi miyembro ng INC na nananawagan ng reporma. Iginiit naman ni dating Nueva Ecija vice governor Emmanuel Umali na hindi partisan ang naturang pagtitipon.

“Hindi ako naniniwala na partisan, sapagkat lahat naman po pinapakinggan, wala pong pinapanigan. Doon lang po tayo sa tama,” sabi niya.

Naglatag ng mga tent mula T. M. Kalaw hanggang Luneta Park at may ilang nagpaabot na balak nilang magkampo magdamag. Maraming vendor ang nagbenta ng pagkain, banig, payong, at mga T shirt sa paligid.

Inanunsyo naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na bubuksan ang San Andres, Delpan, at Dapitan sports complexes para sa mga mananatili ng magdamag. Sinuspinde rin niya ang face to face classes sa lahat ng antas habang tumatagal ang tatlong araw na kilos protesta.

Magtitipon ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa loob ng tatlong araw na anti corruption rally sa Rizal Park sa Maynila, mula noog Linggo, Nob. 16-18, 2025. (AP Photo/Mark Cristino)
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.